Ika-55 labas
SA dating ng text sa kanya ni Ruel, alam niyang galit ito. Kaagad din niyang naisip na tiyak nahuli na ni Ruel ang pagte-text niya kay Minda. Naisip niya, iyon na rin marahil ang dahilan kung bakit hindi sumasagot sa kanyang
text si Minda. Malamang na nag-away na ang mga ito. Lalo pa’t nitong mga huling text niya, nagpapahiwatig na siya sa dalaga. Niyaya pa nga niya itong lumabas. Iyon nga lang, wala siyang natanggap na sagot.
Inihanda na ni Leo ang pagharap niya kay Ruel. At bakit naman siya matatakot, naisip niya. Hindi pa naman nito asawa si Minda. Hindi naman maituturing na pang-aahas iyon dahil sa isang banda, hindi pa naman kasal ang mga ito. Pagtatraydor, oo, inaamin niya. Pero tao lang naman siya.
Nakatalikod si Ruel nang datnan niya ito kina Tony. Nakangiti naman si Tony sa kanya nang papalapit siya.
“Andito na si Leo, p’re,” sabi pa nito.
Sa isang iglap, isang suntok ang pinakawalan ni Ruel sa kanya. Pero dahil pinaghandaan na niya ito, agad siyang nakailag at napaatras. Susugurin pa sana siya ni Ruel nang umawat si Tony.
“P’re, ano bang nangyayari sa ‘yo, akala ko ba mag-iinuman tayo kaya niyaya mo si Leo.”
“’Tang ‘na n’yan, e,” duro sa kanya ni Ruel. “Balak sulutin sa akin si Minda.”
Nanunuring napatingin sa kanya si Tony.
“Eto, o,” ipinapakita pa nito ang hawak na selpon. “Nandito lahat ng mga text niya ke Minda.”
Napatiimbagang siya. Malinaw na sa kanya kung bakit nalaman nito ang pagte-text niya kay Minda dahil malamang, ito ang may hawak ng selpon ng dalaga.
“Niyayaya pa nga ng gagong ‘to na lumabas sila ni Minda,” gigil na sabi nito. Kung nakakapatay lang ang titig, malamang na kanina pa siyanakahandusay. “Ang damidaming babae, ang girlfriend ko pa ang susulutin ng gagong ‘to!”
Hindi siya umimik. Ayaw niyang salubungin ang galit ni Ruel. Sa isang banda, tama naman kasi ito.
“P’re, tama na, pag-usapan ninyo ni Pareng Leo ‘yan,” pag-aawat pa rin ni Tony, na nagulat sa hindi inaasahang pangyayari.
“Pasens’ya na, p’re,” nasabi niya, “hindi ko sinasadya.”
“Gago,” ibig pa nitong kumawala kay Tony. “Hindi sinasadya, kahit hindi na nga sinasagot ang mga text mo, text ka pa rin nang text. Tumatawag ka pa.”
“Text lang naman ‘yon, p’re,” giit niya.
“Gago, hindi ako tanga na hindi makakaintindi. Pareho tayong lalaki, p’re, alam ko kung saan papunta ang pagtetext mong ‘yan.”
Hindi siya nakahuma.
“Ang mabuti pa, p’re,” sabi sa kanya ni Tony. “Umalis ka na lang muna. Saka n’yo na lang pag-usapan ‘yan.”
Tumango-tango lang siya bago tumalikod at lumakad.
“’T*ng ‘ina mo, p’re,” pahabol pa ni Ruel. “Mula ngayon, kalimutan mo nang naging kumpare tayo. Gago!” Hindi na siya lumingon. Hindi dinibdib ni Leo ang galit ni Ruel. Kahit naman kasi sinong lalaki, magagalit. At hindi rin niya pinagsisihang nakipagkita pa siya rito kahit alam niyang ganito ang mangyayari. At least, malinaw na sa kanya ang lahat. At lalong hindi rin niya pinagsisihan ang ginawa niyang panghihimasok sa relasyon ng dalawa.
Pero ang ipinag-aalala niya, malamang iuutos na ni Ruel kay Minda na magpapalit na ito ng numero. Sa gayon, naisip niyang mapuputol na ang komunikasyon niya rito.
Itutuloy...