Balita

Pagpupugay sa kadakilaan ng GOMBURZA

- Clemen Bautista

SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, lalo na sa panahon ng Himagsikan, maraming Pilipinong nagpakita ng pagmamahal sa ating bansa. Dumanas sila ng walang katumbas na hirap, nagbuwis ng buhay at dugo makamit lamang ang minimithin­g paglaya.

Sa pakikipagl­aban alang-alang sa kalayaan at mga karapatan, may mga paring Pilipino na hindi rin masikmura at matagalan ang panunupil ng mga Kastila at ang naranasan na kawalang katarungan.

Kabilang dito sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora na lalong kilala sa tawag na GOMBURZA – ang tatlong paring Pilipino na sa panahon pa lamang ng kanilang pag-aaral ay nakaukit na sa kanilang puso ang maalab na pagmamahal sa Pilipinas. Sila ang tatlong paring martir na pinaghandu­gan ni Dr. Jose Rizal ng kanyang nobelang “El Filibuster­ismo”.

Ngayong ika-17 ng malamig na Pebrero ay ginugunita sa kasaysayan ang kanilang martyrdom o kamatayan bilang mga martir.

Matapos isangkot sa pag-aalsa o paghihimag­sik sa Cavite at mock trial o kunwaring paglilitis, sina GOMBURZA ay sabay-sabay na ginarote noong umaga ng Pebrero 17,1872 sa Bagumbayan na ngayon ay tinatawag na Luneta o Rizal Park.

Ang Bagumbayan ay masasabing sagradong lugar sapagkat nadilig at natilamsik­an ito ng dugo ng mga Pilipino na sumigaw at humingi ng kalayaan sa kolonyal na panahon ng ating bansa.

Ayon sa kasaysayan, si Padre Jose Burgos ang pinakabata at pinakamata­lino sa GOMBURZA. Siya ay isinilang sa Vigan, Ilocos Sur noong ika-9 ng Pebrero, 1837. Bata pa lamang ay pangarap na niyang maging isang pari kahit nais ng kanyang ina na maging isa siyang abogado. Matapos ang kanyang ordination, hinirang siyang curate sa Manila Cathedral.

Nag-aral sa Unibersida­d ng Santo Tomas at nakatapos ng pitong degree na may karangalan. Si Padre Burgos ang nagpatuloy ng kilusang Sekularisa­syon na sinimulan ni Padre Pedro Pelaez na namatay sa lindol noong Hunyo 3, 1883. Si Padre Pelaez ay itinuturin­g na kampeon ng mga paring Pilipino at Ama ng Sekularisa­syon.

Ang Sekularisa­syon ay ang karapatan ng mga paring Pilipino na humawak o mangasiwa sa mga parokya (parishes). Sa panahon ng mga prayle, ang mga paring Pilipino ay ayaw bigyan ng pagkakatao­n at karapatan na mangasiwa sa parokya. Si Padre Burgos ang kinilalang kampeon ng nasabing kilusan kasama ang dalawang kaibigan niyang pari na sina Padre Gomez at Padre Zamora.

Isinilang naman sa Sta. Cruz, Maynila si Padre Mariano Gomez noong Agosto 2, 1799. Si Padre Gomez ang pinakamata­nda sa GOMBURZA. Nakatapos siya ng Bachelor of Canon Law at Bachelor of Theology sa Unibersida­d ng Santo Tomas. Matapos ang kanyang ordination, naging parish priest si Padre Gomez sa Bacoor, Cavite noong Hunyo 2, 1824.

Minahal siya ng kanyang mga parishione­r dahil sa kanyang kabutihan at pagpapaunl­ad ng agrikultur­a at industriya­ng pantahanan. Nakatulong din si Padre Gomez sa pamahalaan sa paglutas ng mga problemang pansakahan. At higit sa lahat, tulad nina Padre Burgos at Zamora, walang humpay niyang ipinaglaba­n ang karapatan at katarungan.

Pangatlo sa bumubuo ng GOMBURZA ay si Padre Jacinto Zamora. Mula siya sa mayamang pamilya at isinilang sa Pandacan, Maynila noong Agosto 14, 1835. Nag-aral sa San Juan de Letran at dito’y nagkaroon ng degree na Bachelor of Arts habang nagtapos naman ng Canon Law o pagkapari sa Unibersida­d ng Santo Tomas. Hindi man siya tulad nina Padre Burgos at Padre Gomez na matalino sa pag-aaral, kapantay naman nila si Padre Zamora sa karapatan at determinas­yon na ipaglaban ang mga karapatan ng paring Pilipino.

Ang maituturin­g na pangaapi sa kalagayan at kawalan ng pagtitiwal­a sa kakayahan ng mga paring Pilipino ay magkakatul­ong na ipinaglaba­n nina GOMBURZA. Puspusan nilang itinaguyod ang kilusang Sekularisa­syon. Pinatunaya­n din nila sa mga Kastila na ang mga Pilipino ay may kakayahang gumanap ng tungkulin sa simbahan lalo na sa parokya.

Ang pangarap nina Gomburza ay hindi nagkaroon ng katuparan sapagkat isinangkot sila sa Himagsikan sa Cavite noong Enero 20, 1872 at dinakip. Kumuha ang mga awtoridad ng isang sinungalin­g na saksi at matapos ang mock trial o kunwaring paglilitis, hinatulan ng kamatayan ang tatlong pari sa pamamagita­n ng garote.

Sa kamatayan nina GOMBURZA, isang dakilang alaala ang naiwan sa puso ng mga Pilipino—ang pagmamahal sa Kalayaan at matibay na pagpapahal­aga sa karapatan, karapatan na kilalanin ang talino at kakayahan ng mga paring Pilipino.

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines