Balita

Kinidnap, bangkay na sa SUV

- Orly L. Barcala

Pinatay ng tatlong armadong lalaki ang isang lalaki na kanilang kinidnap, at iniwan ang bangkay nito sa loob ng sasakyan ng biktima na natagpuan sa isang bakanteng lote sa Caloocan City.

Sa pamamagita­n ng biyenang babae na si Marian Lacsaman, nakilala ang biktimang si Camar Tampla, 35, ng Barangay 188, Caloocan.

Sabado nang umaga nang nadiskubre ang bangkay ni Tampla sa loob ng kanyang sports utility vehicle na nakaparada sa madilim na bakanteng lote sa Bgy. 177, Caloocan.

Walang tama ng bala ng baril at wala ring saksak sa katawan ang biktima, pero may mga galos ito at may iniwang karatula sa kanyang bangkay, na nasusulata­n ng: “Huwag tularan, pusher”.

Walang anumang dokumento na maaaring pagkakakil­anlan sa biktima hanggang sa mapasugod si Lacsaman, nang mabalitaan ang pagkakatuk­las sa bangkay sa SUV, at positibong kinilala ang manugang.

Kuwento ni Lacsaman, ka-video call niya si Tampla at ang asawa nito noong Biyernes ng tanghali, at nakita niya umano sa video ang pagsakay ng tatlong lalaki sa sasakyan ng mag-asawa.

Nakatakas daw ang anak niya at nakausap pa nito ang mga kidnappers, ngunit wala naman uamnong hininging ransom money ang mga suspek.

Sa ngayon ay inaalam na ni Senior Supt. Restitu Arcangel, hepe ng Caloocan City Police, ang motibo sa pagpatay kay Tampla, na inaalam na rin kung nasa drug watch list ng Caloocan Police.

Sinisilip na rin sa closed circuit televison camera (CCTV) ang mga lugar na dinaanan ng sasakyan upang makilala ang mga salarin.

Sinabi naman ni Jamael Tandual, kagawad ng Bgy. 188, na walang bad record sa barangay si Tampla.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines