Ika-59 na labas
BINABAGABAG si Leo sa pagbalik ni Ruel sa kanilang barangay. Nanariwa rin sa kanyang alaala ang banta nito noon na maghihiganti. At sa anong paraan naman, naisip niya. Kung galit pa rin ito sa kanya, sana’y sinugod na siya nang magkasalubong sila. Pero bakit ito pa ang umiwas sa kanya? Bakit ito pa ang lumayo?
Naging malalim na palaisipan iyon sa kanya.
ILANG araw na, hanggang inabot ng linggo mula nang umuwi si Leo, hindi pa rin humuhupa ang usap-usapan tungkol sa panganganak ng ahas ng kanyang asawa. Umaasa rin siyang titigil na ang tsismis tungkol sa kanyang asawa, pero patuloy pa ring itong umaalingawngaw sa kanyang pandinig. Sa tuwing may lalapitan siyang nag-uumpukang mga tao, kung hindi man magsisialisan ang mga ito, titigil sa pagkukuwentuhan at biglang mag-iiba ng takbo ng usapan. Lalong nagpapabagabag iyon sa kanya kaya nagpasiya siyang hindi na muna babalik sa kanyang destino sa Maynila.
“Bakit, me problema ba?” tanong sa kanya ni Brix nang tawagan niya ito isang umaga.
“Meron,” sagot niya.
“Ano ba ‘yon, baka makatulong kami rito?”
“Masyadong personal.” “Tinatanong ka nga sa akin ni Foreman nitong nakaraang araw kung kelan ka raw babalik.”
“Pakisabi na lang, me inaayos lang ‘kamo. Saka na lang ‘kamo ako babalik.”
“Mukhang malaking problema ‘yan, a. Kasi pati trabaho, nasasakripisyo mo.”
Hindi siya sumagot. “’Musta na d’yan?” pagkuwa’y paiba niyang tanong.
“Okey naman, tulad ng dati, pag araw ng Sabado, lasingan na naman, tulad kahapon.”
“Kaya pala ang tagal mong sumagot.”
“Oo, sakit ng ulo ko sa hang over, buti Linggo, walang pasok.”
Hindi siya kumibo, nakikiramdam sa kabilang linya.
“Me balita ka ba?” pagkuwa’y tanong niya.
“Balita? Aba, marami. Ang dami nang namamatay sa war on drugs, pati ang mga minor nadadamay.”
“Oo nga, e,” sang-ayon niya. “Sige, tatawag na lang uli ako. Pakisabi na lang ke Foreman.”
“Sige, teks-teks na lang.” Pinatay niya ang selpon. Nakaramdam siya ng ginhawa kahit papaano. Nabawasan ang kanyang alalahanin. Ilang gabi na kasing iniisip niyang dahil viral na sa Facebook ang panganganak ng ahas ng kanyang asawa, naisip ni Leo na baka nakarating na sa mga kasamahan niya ang balita. Baka kasi maghinala ang mga ito kahit alam naman niyang hindi kilala ng mga ito ang kanyang asawa. Baka itatanong sa kanya, kung kakilala ba niya ang babaeng nanganak ng ahas na nakatira sa kanilang lugar. Alam ng mga ito ang kanyang address sa probinsiya.
“Aalis muna ako,” napaigtad pa siya nang marinig ang kanyang asawa. Nakabihis ito.
“Sa’n ang punta mo?” baling niya rito.
“Magsisimba.”
“Si Inay, hindi kasama?”
“Me pupuntahan daw.” Tumango-tango siya.
“Pabili na rin pala ng isda, ‘yong malaki, pampulutan namin mam’ya ni Pareng Tony, nagyayayang mag-inom.” Saka niya inabutan ng pera. “Sige,” tango nito. Sinundan niya ng tingin ang papalayong asawa. Hindi niya inalis ang tingin sa abot ng kanyang matatanaw. Hanggang sa mapansin niya, tulad niya na sa tuwing may daraanan siyang mga nag-uumpukang kapitbahay, nagsitigil sa pagkukuwentuhan ang mga ito nang dumaan ang kanyang asawa. Na sinundan pa ng mapanuring tingin ng mga ito nang makalampas ang kanyang asawa. At saka itinuloy ang tila naudlot na kuwentuhan, at susundan ng makahulugan at pigil na hagikhikan.
Walang duda, naisip ni Leo, ang asawa niya ang sentro ng kuwentuhan ng mga iyon.
Itutuloy...