Balita

Mag-anak, pinagtatag­a ng nag-amok

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Pinagtatag­a ng nag-amok na lalaki ang kanyang live-in partner at tatlo nitong kaanak sa loob mismo ng kanilang tahanan, na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng tatlong iba pa, sa Barangay Malanday, Marikina City, kamakalawa.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Bernabe Balba ang nasawi na si Alvin Siasat, 53; habang ang mga sugatan naman ay sina Edwin Carlos, 58; Merlina Carlos, 55; at Arianne Kimberly Carlos, 30, live-in partner ng suspek na si Peter Jovannie de Leon, 31, na agad namang naaresto ng mga awtoridad.

Sa ulat ng Marikina City Police, na pinamumunu­an ni Police Senior Supt. Roger Quesada, naganap ang pananaga sa loob ng tahanan ng mga biktima sa No. 1 Lucia Street, Sta. Teresita Vil. Lamuan, sa Bgy. Malanday, bandang 11:40 ng umaga.

Bago ang krimen, nagluluto umano si Merlina sa kusina nang lapitan ni Peter at sa ‘di pa batid na dahilan ay bigla na lang siyang binuhusan ng mainit na tubig.

Hindi pa nasiyahan, kumuha ng kutsilyo si Peter at pinagsasak­sak si Merlina.

Nakita naman nina Alvin, Edwin at Arianne ang insidente kaya tinangka nilang awatin ang suspek, ngunit sila naman ang sinaksak.

Kahit sugatan, nagawa ng mga biktima na lumabas sa bahay at nanghingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Dumaan naman sa lugar ang isang personnel ng City Veterinary office at tumawag sa Marikina Rescue 161 at inireport ang pangyayari.

Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 (PCP 4) at Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Marikina City Police at inaresto ang suspek, habang isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit binawian ng buhay si Alvin.

Narekober sa pinangyari­han ang isang kutsilyo, isang butcher knife at isang Swiss knife, na pinaniniwa­laang ginamit ng suspek sa krimen.

Nakakulong ang suspek sa Marikina City Police at nakatakdan­g kasuhan ng murder at tatlong bilang ng attempted murder.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines