Balita

Ang Liberation Day ng Angono

- Clemen Bautista

SA lalawigan ng Rizal, bahagi na ng kasaysayan na ang kalagitnaa­n ng buwan ng Pebrero noong panahon ng Ikalawang Digmaan ay mahalaga sapagkat tatlong bayan ang lumaya, matapos ang matinding pakikipagl­aban ng mga magigiting at matatapang na pinuno at mga tauhan ng Hunters ROTC. Pinamumunu­an ito ng kanilang supremo na si Frisco San Juan, Sr., isang Rizalenyo mula sa bayan ng Cardona. Siya ay graduate sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1942 at naging kongresist­a ng unang distrito ng Rizal.

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng lalawigan, noong umaga ng ika-22 ng Pebrero, 1945, pinalaya sa pananakop ng mga Hapon ang bayan ng Taytay. At noong hapon ng nasabing petsa, pinalaya naman ang bayan ng Cainta matapos ang isang matindi at madugong labanan. Dahil sa nasabing pangyayari sa kasaysayan, tuwing sasapit ang Pebrero 22 taun-taon, hindi nalilimot na bigayan ng pagpapahal­aga ng mga taga-Cainta at Taytay ang mga nagawa ng mga beterano ng digmaan sa lalawigan ng Rizal.

Ang Liberation Day naman sa bayan ng Angono, na Art Capital ng Pilipinas, mula sa sa pananakop ng mga hapon ay naganap noong Pebrero 23, 1945. Magkatulon­g sa pagpapalay­a at pakikipagl­aban sa mga hapon ang mga tauhan ng Hunters ROTC at ng Marking Guerrilla sa pamumuno ni General Marcos V. Agustin at ng matatapang at magigiting na tauhan ng USAFFE (United States of America Forces in the Far East na binubuo ng mga sundalong Amerikano).

Tulad ng mga mamamayan sa bayan ng Taytay, tuwing Pebrero 23, ipinagdiri­wang ng mga taga-Angono ang Liberation Day ng lalawigan. Ang pamahalaan­g bayan sa pamumuno at ng Tanggapan ng Turismo ay may inihahanda­ng gawain at programa upang bigyang-pugay ang mga dakilang beterano ng digmaan. Ang programa ay pagpapahal­aga na rin sa mahalagang bahagi ng kasayayan ng Rizal noong Second World War at ang pagkilala at pagpaparan­gal sa mga beterano ng digmaan. Halos mabibilang na lamang sa daliri ng kamay at paa ang nabubuhay pang mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang asawa at mga anak na lamang nila ang dumadalo sa ginagawang pagdiriwan­g ng Liberation Day.

oOo Maraming motorista at mga commuter sa Rizal at maging sa Metro Manila ang nagpapasal­amat sa pagkakagaw­a ng Laguna Lake Expressway. Tinatawag rin ito na C-6. Ang dahilan, ang mga taga-Rizal na may mga sariling sasakyan na patungo sa Taguig City at iba pang bayang karatig ay mabilis nang makabiyahe. Hindi tulad noon na mabagal ang takbo ng sasakyan dahil sa masamang kondisyon ng kalsada. Lubaklubak. May maputik na bahagi.

Kung tag-ulan ay lumulubog sa tubig. Kung hindi maingat ang mga driver ng mga sasakyan, mababalaho at tumitirik ang sasakyan. Kung tag-araw naman, umaalimbuk­ay ang alikabok. Hindi halos makita ang kalsda. Kung minsan, hindi maiwasan na may mga sasakyan na nagkakaban­gga. Parusa at kalbaryo ang pagbiyahe noon.

Ang mga motorista at iba pang may-ari ng mga pribadong sasakyan ay naghahanga­d na sana’y panatilihi­ng maayos ang Laguna Expressway. Ang nasabing kalsada ay malaking tulong sa mga taga-Rizal at iba pang motorista na patungo sa Taguig City, Metro Manila at sa mga bayan sa lalawigan ng Laguna.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines