Balita

Ateneo, nagapi na rin ng UST spikers

- Marivic Awitan

NAKALIGTAS ang University of Santo Tomas sa isa na namang pagbagsak at winakasan ang apat na taong dominasyon sa kanila ng Ateneo de Manila, sa pahirapang 25-18, 25-21, 22-25, 19-25, 15-12 panalo kahapon sa men’s division ng UAAP Season 81 Men’s Volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre.

Makaraang lumamang matapos ang unang dalawang frames, 2-0, muli na namang sumadsad ang laro ng Tigers dahil sa errors kaya nakuha pang tumabla ng Blue Eagles at makahirit ng decider.

“Problem talaga for us ‘yung errors na galing siguro sa chemistry ng team and ‘yung kasanayan nila sa paglalaro sa ganitong environmen­t,” pahayag ni UST head coach Odjie Mamon.

Naging dikdikan ang laban nila sa fifth set hanggang sa maibigay ni Joshua Umandal ang 13-11 bentahe para sa Tigers matapos ang magkasunod niyang block kill at hit.

Kasunod nito, ganap nilang inangkin ang tagumpay sa pamamagita­n ng isang smash ni Umandal at match clinching hit ni Manuel Medina.

“Nagkaroon lang talaga ng sense of urgency ‘yung team. They know na kailangan nilang manalo in every opportunit­y na makuha namin kasi mahirap naman ‘yung competitio­n this year,” aniya.

Ang nasabing panalo ang una ng UST kontra Ateneo mula noong UAAP Season 77 second round.

Tumapos si Medina na may 22 puntos kasunod si Umandal na may 20 puntos para pangunahan ang nasabing panalo ng Tigers.

Si Tony Koyfman naman ang nanguna sa Blue Eagles sa itinala nitong 22 puntos mula sa 77 attempts.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines