Sir 6:5-17 ● Slm 119 ● Mc 10:1-12
Nagpunta si Jesus sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises?” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
PAGSASADIWA:
Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang
asawa?—May mga bagay na maaaring “legal” pero hindi naman “moral.” Legal ang diborsiyo para sa mga Judio kasi itinatakda naman iyon sa batas o utos ni Moises. Pero malinaw na may mas mataas na pamantayan o batas na dapat sundin: ang kalooban ng Diyos. Hindi maaaring paghiwalayin ng sinumang tao ang pinagsama ng Diyos. Samakatuwid “imoral” o makasalanan ang pagsuway sa kalooban ng Diyos kahit na sabihing “legal” pa ito. Pero kung pagbabatayan ang sinasabi ni Jesus sa talatang 11 at 12 (hindi kasama sa ebanghelyo ngayon), sa bandang huli, lalabas na hindi lang “imoral” ang diborsiyo kundi “ilegal” na rin ito. Kaya nga para kay Jesus, nangangalunya ang sinumang diborsyado na magpapakasal uli sa iba.