Ika-69 na labas
AGAD na iniskedyul nang sumunod na araw ang pag-iinterbyu sa kanyang asawa. Ang hindi niya inaasahan, pati siya ay gusto ring interbyuhin. Kung ano ang naging saloobin at reaksiyon niya. Hindi na siyang tumanggi.
Bagamat hindi siya handa, hindi naman siya nahirapang sumagot. Sinikap din uli ng taga-TV na interbyuhin ang albularyo, pumayag na ang kanyang asawa ngunit si Lolo Onyong na ang hindi pumayag.
Ayon pa rito, labag sa panininiwala nito ang pagpapainterbyu. At kahit kailan, mula nang maging albularyo ito na namana rin nito sa amang albularyo rin, hindi ito nagpapainterbyu.
Maayos namang natapos ang pag-interbyu sa kanila ni Minda. At sa tingin ni Leo, maaayos din naman nilang nasagot ni Minda ang mga tanong. At umaasa silang dalawa, na matutuldukan na ang mga negatibong tsismis tungkol sa kanyang asawa. At habang iniinterbyu nga sila, naroon, ang mga mapanuring tingin ng kanilang mga kapitbahay.
Ang pagpapalabas ng kuwento ng panganganak ng ahas ng kanyang asawa sa isang panggabing programa ng sikat at premyadong host/newscaster sa isang malaking estasyon ng TV sa Maynila ay inabangan ng buong barangay, lalo na silang mag-asawa. Kaya naman maaga silang naghapunan nang araw na iyon ng Linggo ng pagpapalabas. Napansin pa niyang aligaga at hindi mapakali ang kanyang asawa.
“Bakit?” puna pa niya rito. “Nag-alala lang ako sa magiging bunga ng pagpapainterbyu natin.” “Bakit, e totoo namang lahat ng sinabi mo?”
“Ang problema, hindi natin hawak ang isip ng mga makapanood. Baka hindi sila maniwala.”
“Tulad ng sinabi ko, nasa kanila na ‘yon kung hindi sila maniniwala, at
least, nasabi na natin ang ating panig. Ipinakita natin na wala tayong itinatago. Hinarap natin ang isyu.”
Hindi umimik ang kanyang asawa. Larawan pa rin ito ng pagaalala nang umupo sa sofa na gawa sa kawayan. Tumabi siya rito pagkatapos mai-on niya ang mumurahin nilang telebisyon.
Kapwa sila nakatutok nang magsimula na ang inaabangan nilang programa pagkatapos ng isa pang programa. At sa gitna ng katahimikan ng gabi, nangibabaw ang matinis na boses ng matabang babaeng host. Sa isang barangay sa lalawigan ng
Aklan, isang babae na itatago natin sa pangalang Ester ang diumano’y nanganak ng isang ahas, bungad
ng host. At ayon pa sa kanya, diumano, ito’y kagagawan ng isang engkanto.
Kasabay ng pagsasalaysay ng host, ang pagpapakita ng ahas na nakuha pa sa Facebook.
Ayon pa kay Ester, diumano, ito’y isang ganti ng engkanto sa kanya dahil sa napatay niyang ahas.
Kasunod na ipinakita ang pag-interbyu sa kanyang asawa. Ikinuwento nito ang pagwawalis sa may lilim ng puno ng sampalok nang biglang bumagsak ang ahas na kulay itim at napatay nito sa pamamagitan ng paghampas ng kahoy. Tulad ng kanilang
request, sinadyang gawing blurred ang mukha ng kanyang asawa.
Kasabay ng pagkukuwento ng kanyang asawa ang pagsasadula ng pangyayari.
Laking pasalamat daw ni Ester dahil sa pamamagitan diumano ng bisa ng orasyon at ginawang ritwal ng albularyo, kusa raw lumabas agad ang ahas mula sa sinapupunan niya, patuloy ng host.
Ipinakita uli ang pag-iinterbyu kay Minda. Ikinuwento pa nito, na ayon sa sinabi ng albularyo, na hindi maaaring tumagal o lumaki ang ahas sa sinapupunan nito dahil kapahamakan ang maidudulot nito, ayon na rin sa sumpa ng engkanto.
Kasabay uli ng pagkukuwento ng kanyang asawa ang pagsasadula ng pangyayari. Itutuloy...