Malinis na palikuran, libreng internet sa transport terminals
Niratipikahan ng Kongreso ang panukalang nag-oobliga sa transport terminals na pagandahin ang kanilang mga terminal at magkaloob ng libreng serbisyo ng internet at malinis na palikuran.
Ang Senate Bill 1749, o ang panukalang “Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-On/Roll-Off Terminals,” ay inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, sa pag-adopt ng House of Representatives sa Senate bill.
Hinihintay na lamang ng panukala ang lagda ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para maisumite ito sa Palasyo.
Umaasa si Senador Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services at pangunahing may-akda ng panukala, na kaagad itong maipapasa sa Malacañang para mapirmahan ng Pangulo.
Sa ilalim ng panukala, ang land transport at roll-on/roll-off terminals sa buong bansa ay oobligahing magkaroon ng malinis na palikuran at libreng internet access.
Ang mga terminal ay dapat na mayroon ding hiwalay na lactating stations para sa mga ina.
“This is especially important for Filipinos who travel for more than eight hours,” ani Poe.
Sa pagsusulong ng batas, idiniin niya na ang malinis na terminal toilets ay mahalaga rin sa turismo, dahil ito ay isang aspeto “that travellers remember, whether the experience is impressive or horrible.”
Pagbabawalan din ng batas ang terminal operators sa paniningil sa mga pasahero na gumagamit ng restrooms. “The concerned passenger must show paid bus ticket in order to avail of the free use of sanitary facilities,” saad sa panukala.