Balita

BIR officer, 2 pa, huli sa extortion

- Ni JEFFREY G. DAMICOG

Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigat­ion ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at dalawa pang babae dahil sa pangingiki­l ng P300,000 sa isang negosyante sa Plaridel, Bulacan, kamakailan.

Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina BIR Revenue Officer 2 Reynaldo Lojuco, 51, nakatalaga sa BIR office sa Plaridel, Bulcan; Bernadeth Carino, 25, at Sheila Marie Santiago, 31.

Sa report, ang tatlo ay dinampot ng grupo ng Anti-Terrorisim Division (ATD) ng NBI sa isinagawan­g entrapment operation sa isang fast food joint sa naturang bayan, nitong Huwebes ng gabi.

Isinagawa ang operasyon batay na rin sa reklamo ng negosyante­ng si Geronimo dela Cruz, 44, na nagsu-supply ng mga segunda-manong bote ng brandy sa naturang bayan.

Nauna nang sinampahan si Dela Cruz ng P10 milyong tax evasion case ngunit pansamanta­la itong ibinasura ng Metropolit­an Trial Court ng Caloocan City dahil sa paulit-ulit na pagkabigo ng mga tauhan ng BIR na dumalo sa paglilitis.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Dela Cruz na nilapitan siya ni Lojuco at nagbantang bubuhayin ang kaso kapag nabigo siyang magbayad ng P300,000.

Si Lojuco ay nahuli sa aktong tinatangga­p ang paunang bayad na P100,000 na marked money.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Atni-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019); direct bribery at robbery extortion.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines