Manila Bay rehab, nasa kamay ng barangay officials
Umaasa si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na tutulong ang mga opisyal ng barangay sa ginagawang rehabilitasyon ng Manila Bay, sa pamamagitan ng paglilinis sa mga daluyan patungo sa lawa.
“The cleanup of the bay rests on them. That is how much I trust them,” ayon kay Cimatu.
Nakipagdiyalogo ang DENR chief sa mga tagapamuno ng mahigit 200 barangay na nakapaligid sa ilog ng Pasig-Marikina-San Juan, Muntinlupa- Parañaque-Las Piñas-Zapote, at Malabon-Tullahan-Tinajeros.
“It is the responsibility of the local government units and the barangay captains to implement the environmental laws (Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at Philippine Clean Water Act of 2004) correctly,” ayon sa dating Armed Forces chief.
Nag-alok din si Cimatu ng tulong sa mga barangay officials sa pagpapatupad sa kanilang mga mandato, kabilang ang relokasyon ng illegal settlers sa mga estero at ilog.
Sinabi niya na kinakailangang makipagtulungan ng mga opisyal sa Department of Human Settlements and Urban Development sa pagtiyak sa relokasyon ng mga apektadong informal settler families (ISFs).
Mayroong 230,000 ISFs sa Manila Bay region.
Hinikayat din ni Cimatu ang mga opisyal na makiisa sa simultaneous cleanup sa mga estero at ilog sa paligid ng Manila Bay sa Linggo, Marso 31.