Balita

Tiyuhin ng dalagita, inasunto sa rape-slay

- Mary Ann Santiago

Kinasuhan na kahapon ang tiyuhin ng 16-anyos na babaeng natagpuang patay at durog ang mukha sa talahiban sa Antipolo City, Rizal, nitong Huwebes.

Ayon kay Supt. Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo City Police, nahaharap si Jimmy Castillo, tricycle driver, nasa hustong gulang, sa kasong panggagaha­sa at pagpatay sa kanyang sariling pamangkin na si Rona May Castillo, 16, Grade 10 student, at taga-Old Boso-boso, Barangay San Jose, Antipolo City.

Ipinaliwan­ag ni Bannawagan na tatlo ang persons-of-interest na kaagad nilang pinagdadam­pot matapos ang krimen, ngunit lahat ng ebidensiya at testimonya na kanilang nakakalap ay positibong nagtuturo kay Castillo bilang pangunahin­g suspek sa karumal-dumal na krimen.

Sinabi pa ni Bannawagan na sa ngayon ay wala na silang iba pang suspek sa krimen, kundi ang tiyuhin ng biktima.

Nabatid na dating nakikitira si Rona May sa bahay ng tiyuhin, dahil malapit lang ito sa pinapasuka­ng paaralan ng dalagita.

Sinabi ni Bannawagan na isang buwan pa lang ang nakalilipa­s nang biglang umuwi ang bata sa kanilang bahay, at ayon sa ama nito, kapansin- pansing naging malulungku­tin ito at ‘tila namumroble­ma.

Teorya ng pulisya, muling bumalik si Rona May sa bahay ng tiyuhin upang kuhanin ang mga naiwan niyang gamit, at dito na hinihinala­ng isinagawa ng suspek ang panggagaha­sa at pagpatay sa kanya.

Ayon kay Bannawagan, batay sa pahayag ng mga testigo, dakong 4:00 ng hapon nitong Huwebes, bago iniulat na nawawala ang dalagita, ay nakita pa ito sa bahay ng kanyang tiyuhin, na mariin namang pinabulaan­an ni Castillo.

Nang mag-imbestiga rin umano ang mga pulis sa silid na dating tinutuluya­n ni Rona May ay kapansin-pansin umanong magulo ito, at ‘tila may panlalaban na nangyari sa loob.

Posible aniyang nanlaban ang biktima nang halayin, kaya pinatay ito at itinapon ang bangkay sa talahiban.

Naniniwala si Bannawagan na hindi magsisinun­galing ang mga testigo nila dahil boluntaryo umanong nagtungo ang mga ito sa presinto upang magbigay ng pahayag.

Hindi rin umano nagtutugma ang mga alibi ng suspek, na pabagu-bago ang pahayag, kaya lalong tumindi ang hinala ng pulisya laban dito.

Mismong ang ama ni Rona May, na kapatid ni Castillo, ay naniniwala rin umano na ang kanyang kapatid ang may kagagawan sa pagkamatay ng kanyang anak.

Naniniwala naman ang mga opisyal ng barangay na dati nang nagahasa si Rona May, na posibleng dahilan ng pananamlay nito at pag-alis sa bahay ng tiyuhin, ayon kay Bannawagan.

Sinabi pa ni Bannawagan na sa ngayon ay iniimbesti­gahan na rin nila kung posibleng may iba pang suspek sa krimen, matapos na matukoy na halos gabi-gabi ay nakikipag-inuman ang suspek sa mga kabarkada nito sa loob ng bahay nito.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Bannawagan na batay sa resulta ng awtopsiya ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa bangkay ng dalagita ay positibong ginahasa ito.

Lumitaw rin, aniya, na binagsakan ng bato ang ulo ng dalagita at dahil magdamag ang bangkay sa talahiban at posibleng kinain ng mga ligaw na hayop ang bahagi ng mukha nito, sanhi upang magkaroon ito ng tapyas.

“Positive na ginahasa. Ang ‘yung damage niya sa ulo niya ay nabagsakan ng bato, kaya nagka-damage,” sinabi ni Bannawagan nang makapanaya­m sa radyo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines