Balita

Ika-94 na labas

- R.V. VILLANUEVA

HINDI siya nilingon ng asawa. Ni hindi rin ito sumagot. Tahimik na nagpatuloy lamang ito sa paghuhugas ng kaldero. Pagkuwa’y nagtakal ng bigas, hinugasan at saka isinalang sa kalan.

Hindi inaalis ni Leo ang tingin sa asawa. Tatapunan lamang siya ng sulyap nito at saka muling ibabaling ang tingin sa ginagawa.

“Ano kaya ang dahilan bakit siya bumalik?” patuloy niya.

Wala pa rin siyang nakuhang tugon. “Anong gusto mong iluto natin sa bangus?” paibang sagot ng asawa. “Isisigang ko ba?” “Bahala ka na,” aniya. Tumango lamang ito. “Sige, isisigang ko na lang,” anito.

“Me binalikan kaya si Ruel dito?” giit niya, sinadya pa niyang lakasan ang kanyang boses.

Sumulyap sa kanya ang asawa. “Ewan ko,” kibit-balikat nito. “At bakit naman ako ang tinatanong mo? Anong alam ko d’yan.”

Hindi siya kumibo. “Kung ano-ano na naman siguro ang naririnig mong tsismis d’yan kaya mo ako tinatanong tungkol sa kanya.”

“Nabanggit lang sa akin ni Tony.”

Tumalim ang tingin sa kanya ni Minda. “’Yang kumpareng Tony mo talagang ‘yan, ke lalaking tao, napakamali­syoso. Baka nga siguro siya ang nagpapakal­at ng tsismis tungkol sa akin. Pati si Ruel na walang kinalaman, nadadamay. Nakakahiya naman sa tao. Kung me nakaraan man kami, nakaraan na ‘yon. At matagal na ‘yon. Bakit naman pati ang pangangana­k ko ng ahas, iuugnay sa kanya. Bakit, me lahi bang ahas si Ruel?”

Sinadya niyang huwag sumagot. Nais niyang hayaang magsalita ang kanyang asawa.

“Alam ko naman ang tinutumbok ng pananalita mo, e,” patuloy nito. “Kanina pa gusto mo akong hulihin, kahit ‘yong pagpunta ko sa palengke. Pati ang nag-text sa akin. Kung ano-ano na naman siguro ang inilalagay ni Tony sa isip mo ang pagpunta ko kanina sa bayan.”

Nananatili siyang nakamata sa asawa.

“Kahit naman hindi ko nakikita, alam kong nag-uusap kayo ni Tony.”

Napaigtad siya. Kay lakas naman ng pakiramdam ng kanyang asawa, naisip niya. Pero naalala niya ang kasabihan ng mga matatanda, na kapag ang isang taong may nagawang kalokohan o kasalanan, sadyang naging matalas ang pakiramdam. O, baka naman nasabi lang iyon ng asawa para siya naman ang hulihin?

May katwiran naman ang kanyang asawa, alam ni Leo. Pero tulad ng napapansin niya mga nakaraang araw pa, masyado na itong defensive. Nagagalit kapag nasusukol na niya. At bakit tila natitigila­n ito kapag nababanggi­t niya ang pangalang Ruel.

A, hindi maaari, naisip ni Leo. Hindi maaaring magkahiwal­ay sila ng kanyang misis. Hindi siya papayag na mauwi sa hiwalayan ang kanilang pagsasama. Hindi siya papayag na sisirain lamang ng mga tsismis at maling espekulasy­on ang pagsasama nila. Pero isang bagay lamang ang maaari niyang gawin para hindi mangyari ang nakaambang sigalot sa kanilang pagsasama, sukdulang magsakripi­syo siya, ang isama niya ang asawa sa destino. Ang ilayo niya ito sa hindi matapos-tapos na tsismis. Sa ganoon, makapagsim­ula uli sila.

Kaya naman nang gabing iyon, bago matulog, pinuyat siya kaiisip ng gagawing desisyon, para sa kapakanan ng kanilang pagsasama.

At kinabukasa­n, nagpaalam siya sa asawa na dadalaw sa mga magulang bago man lang siya bumalik sa destino sa susunod na araw. Pero ang ipinagtata­ka lang niya, kung bakit hindi na siya inuungot ng asawa tungkol sa pagsama nito sa kanya sa destino?

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines