Balita

Ika-52 labas

- R.V. VILLANUEVA

KUNG sinusumpon­g si Ronie ng sakit, laging naroon si Elsie. Halos ay wala silang kibuan. Basta’t ginagawa lang ni Elsie ang tungkulin niya bilang nagmamahal na asawa. Si Ronie naman, sa isang banda, ay hindi rin nag-uusisa. Para bang isa’t isa sa kanila ay natatakot na pag-usapan man lang ang talagang nangyayari.

Kahit na walang kibuan, halos ay alam na ni Elsie na alam na rin ni Ronie ang tunay nitong kalagayan. At may pambihira yatang tibay at tatag si Ronie. Kahit namimilipi­t ito sa sakit at halos ay ipagpaluan ang ulo, hangga’t matitimpi nito, walang maririnig na

pagdaing mula sa kanya.

Wala na yatang oras na hindi umiiyak si Elsie. Kaharap man o hindi si Ronie, hindi natutuyuan ng luha ang kanyang mga mata. May sasakit pa nga ba sa katiyakang darating ang oras, hindi mo alam kung kailan at kung saan darating ang paglisan ng isang pinakamama­hal.

“Kelangan sigurong maging handa ang loob mo, Elsie.” Madalas sabihin ni Coring.

“Napakasaki­t naman talaga, Coring.”

“Sabi mo naman sa akin, naihanda mo na ang loob mo. Gusto kong ipaalaala sa ‘yo, baka naihanda mo, malaki na si Adora. Bukas-makalawa, dalaga na siya. At pag nagkatotoo ang sinasabi mong baka mauna ka pa kay Ronie, paano na si Adora? Paano niya mag-isang tatanggapi­n ang pamumuhay? Kung pababayaan mo ang kaisa-isa mong anak, hindi ka lang sa ‘yong sarili magkakasal­a Elsie, lalo’t higit ay sa Dakilang Lumikha. Ibinigay sa ‘yo ni Lord si Adora sa pag-asa Niyang hindi mo siya pababayaan maging ang kapalit niyon ay ang paglimot mo sa iyong sarili.”

“Paano ko nga kaya makakalma ang sarili ko, Coring? Kung ikaw… pa’no mo tatanggapi­n ang paghihirap ng isang pinakamama­hal na alam mong tiyak na mamamatay.”

Matagal bago nakasagot si Coring. Nasabi na lang ni Coring: “Walang nakakatiya­k sa kamatayan, Elsie.’

“Si… Ronie? Di ba naghihinta­y na lang siya ng kamatayan?” “May mga himala, Elsie.” “S-siguro nga, Coring … s-siguro nga.”

“Magdasal na lang tayo, Elsie.” “Tutulungan mo akong magdasal, Coring?’

“Kahit naman hindi mo pa hinihiling.”

“Salamat, Coring! Maraming salamat.”

Nagyakap sila. Mahigpit.

At hindi napigilang magiyakan.

Bago sila tuluyang naghiwalay, sabi uli ni Elsie; “’Yong pangako mo, Coring. Tulungan mo akong humingi ng milagro para kay Ronie.”

“Hinding-hindi ko makakalimu­tan, Elsie.”

Totoong kumatok ka at ikaw ay bubuksan o humingi ka at ikaw ay bibibigyan pero hindi lahat ng gusto ng isang nilalang ay ibinibigay ng Lumikha sa kanya. Di ba may makatotoha­nang kawikaang: Walang mangyayari sa balat ng lupang di may kagalingan­g Kanyang ninanasa? Sa simpleng kahulugan: Lahat ng bagay sa mundo ay nangyayari dahil ‘yon ang gusto ng Diyos. At kaya Niya ginawa ang isang bagay ay may kabutihan ‘yon na tanging Diyos din lang ang nakakaalam. At ‘yon din ang nangyari kay Ronie.

Makaraan lang ang anim na buwan buhat noong si Ronie ay maihatid ng isang kaibigan at ng iba pang kasamahan sa trabaho sa isang ospital, dumating ang kinatataku­tang masaklap na wakas ni Ronie. At dumating iyong tahimik, walang ingay.

Pasado alas singko ng umaga noon. Tulad ng karaniwang nangyayari, nagising si Elsie. Nakita niya parang tulog si Ronie. Parang napahimbin­g. Likas na magaang natutulog si Ronie.

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines