Balita

Ika-54 na labas

- R.V. VILLANUEVA

BIGLA, nawala ang nalalabi pang antok ni Adora. Tulak ng pagka-unawang may hindi karaniwang nangyayari, napatakbo siya sa kanyang ina. Bago tuluyang bumagsak si Elsie, nasa likod na niya si Adora.

Sa kamay ni Adora, bumagsak ang kanyang ina. At hindi nakayanan ng mahihina pang mga kamay niya ang bigat ng kanyang ina. Gayunman, malaking alalay na rin ang kanyang nagawa. Hindi na rin masyadong nasaktan ang kanyang ina nang bumagsak sa sahig.

Dala ng kabataan pa, litung-lito at

hindi malaman ni Adora ang kanyang gagawin. At wala siyang nagawa kundi ang magtitili.

Hindi naglipas ang sandali, puno na ng dumating mga kapitbahay ang apartment nina Elsie. Parang iisang taong gumalaw ang lahat para tulungan sina Elsie, Adora at Ronie.

“M-malamig na si Ronie…parang patay na!”

“Baka naman puwede pang maitakbo sa ospital?”

“Aba’y dalhin na agad habang may panahon.”

“Tumawag kayo ng taksi… dali!”

“P-parang hindi na kelangan ang taksi. Parang hindi na nga humihinga itong si Ronie!”

Patuloy ang kanya-kanyang galaw. Ang kanya-kanyang takbo. May nagpupunas ng kung ano-anong likido kay Ronie. May umaalalay rin kay Elsie. May nagpapaamo­y ng kung ano-anong pambalik-malay kay Elsie.

Samantala, si Adora ay nakatanga lamang. Parang nanonood na lamang siya ng mga aninong gumagalaw sa isang pelikulang walang audio at hindi niya nauunawaan ang istorya.

“Narine na ang taksi!” May sumigaw sa labas ng bahay.

“Hindi na siguro kelangan ang taksi.”

“Patay na talaga si pareng Ronie!”

“Baka naman hindi pa totoong patay…Ma mabuti na yung ospital na ang magdeklara kung buhay pa ‘yan o talagang wala na.”

“Patay na talaga. Wala nang pulso at malamig na. Kanina pa marahil bago tayo dumating, patay na si pareng Ronie!”

“Si Elsie ang asikasuhin natin! Siya ang dalhin sa ospital.”

“Natatauhan na siya,” sabi ng isang matandang babeng kanina pa umaasikaso kay Elsie.

“Baka kailangan pa ring matingnan ng doktor si Elsie.”

“H-hindi na ho siguro.” Si Elsie na mismo ang sumagot. “Si Ronie…si Ronie ang itakbo natin sa doktor!”

Walang sumagot sa sinabi ni Elsie. Waring lahat ay natakot na ipaalam kay Elsie ang talagang kalagayan ng mister niyang si Ronie.

Dalawang babae ang nakaalalay kay Elsie nang lumapit kay Ronie. Sigaw ni Elsie: “L-lumaban kaaa, Ronieee!”

“Kalamayin mo ang loob mo, anak!” Hinahagod ng isa sa babae ang likod ni Elsie. “Lahat naman tayo ay darating diyan, anak. Kanya-kanya nga lamang ng oras.”

Hindi napigil si Elsie sa pagdumapa sa bangkay ni Ronie. Hindi rin siya napigil sa kasisigaw at katitili.

“Makakabuti­ng ilayo muna natin si Elsie,” sabi uli ng may edad nang babae. “Baka mawala na naman siya ng malay. Bayaan muna natin siyang makapagpah­inga.

“Ayokooo!” sigaw ni Elsie. “Ayokong ilayo n’yo ako sa asawa ko! Buhay pa siyaaa! Buhaaaay!”

Gayunman, gaano man ang gawing pagtitili ni Elsie, hindi na rin natauhan si Ronie. Hindi na rin isinakay si Ronie sa tinawag na taksi. Hindi iisa at dadalawa ang nagpatunay na patay na talaga si Ronie.

Si Elsie, sa tulong ng mga dumalong kababaihan ay natanggap na rin, sa wakas, ang masaklap na katotohan.

Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines