Balita

2 mangingisd­a, lumutang sa lawa

- Bella Gamotea

Wala nang buhay at palutanglu­tang sa lawa nang matagpuan ang dalawang mangingisd­a na kapwa nakatali ang mga kamay sa lumubog nilang bangka sa Muntinlupa City, kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Glen Oliva y Aragines at Jimboy Catupig y Delos Reyes, kapwa nasa hustong gulang, at residente sa Wawa Libis, Binangonan, Rizal.

Sa ulat nina S/M/S Marlou Jacob, S/ Mg Alex Ronda at S/Sg Trefilo Tingal, mga imbestigad­or ng Muntinlupa City Police, nadiskubre ng isa ring mangingisd­a na si Billy Santillan y Francisca, 59, ang bangkay ng dalawang biktima sa Laguna de Bay sa pagitan ng nasabing lungsod at Binangonan Rizal, dakong alas-dose ng tanghali at naiulat lamang ang insidente sa pulisya bandang alas-kuwatro ng hapon.

Ayon sa report, ipinaalam agad ni Santillan ang insidente sa Office of Coast Guard at sa malapit na presinto.

Kasama ng mga imbestigad­or ang mga tauhan ng Coast Guard, nagtungo sa lugar ang mga awtoridad, kung saan nila nakita ang mga biktima na kapwa nakatali ng nylon cord ang mga kamay at nakakonekt­a sa lumubog nilang bangka.

Agad na iniahon ang mga bangkay nina Oliva at Catupig at dinala sa Loreto Funeral Servies sa Lower Bicutan,Taguig City upang isailalim sa awtopsiya.

Hinala ng awtoridad, posibleng pinatay sa ibang lugar ang dalawa at inanod lamang sa Muntinlupa City.

Patuloy na inaalam ng mga imbestigad­or ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima gayundin ang nasa likod ng naturang pamamaslan­g.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines