Balita

2 traffic enforcer, huli sa ‘robbery extortion’

- Mary Ann Santiago

Kulong ang dalawang traffic enforcer matapos umanong mangotong sa isang UV Express driver sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City, kamakalawa.

Ayon kay Pasig City Police P/Col. Rizalito Gapas, ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Emmanuel De Guzman, 49, ng 194 M.H. V Del Pilar Street, Barangay Palatiw; at Christophe­r Punzalan, 45, ng 632 Villa Angeles, Barangay Bambang, ng nasabing lungsod at kapwa miyembro ng Traffic Management Office (TPMO).

Dakong 4:45 ng madaling araw nang dakpin ng mga awtoridad ang mga suspek sa bahagi ng De Castro Avenue, kanto ng Ortigas Avenue, bunsod ng reklamo ng UV Express Driver na si Rey Macawile, 45, ng Sitio Bulalo, Barangay Munting Dilaw, Antipolo City.

Base sa reklamo ni Macawile, Hulyo 25, minamaneho niya ang kanyang UV Express na Toyota Hi-Ace Commuter na may plakang ABC-6693 nang parahin siya ng dalawa sa Ortigas Avenue Extension dahil umano sa pagiging ‘out of route.’

Kinuha umano ng mga suspek ang mga dokumento ng sasakyan ng biktima at inatasan siyang ihatid muna ang kanyang mga pasahero at saka bumalik upang bayaran ang kanyang violation ng halagang P1,000.

Kaagad namang nagsumbong ang biktima sa mga tauhan ng Follow-up Unit, na pinamumunu­an ni P/CMS Ariel Galvejo, na siyang nagkasa ng entrapment operation at nagresulta sa pagkakaare­sto sa mga suspek, habang tinatangga­p ang marked money mula sa biktima.

Narekober mula kay Punzalan ang marked money habang ang mga dokumento ng sasakyan ng biktima ay nakuha naman mula kay De Guzman.

Kapwa nakadetine na ang mga suspek sa Temporary Custodial Facility ng pulisya at nakatakdan­g sampahan ng kasong robbery extortion sa piskalya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines