Paghabi sa Death penalty bilang pangunahing isyu sa Kongreso
EDITORIAL
ANG malawak na debate hinggil sa mungkahing pagbuhay ng parusang kamatayan ay nagsimula na sa Kongreso, matapos manawagan si Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ng pagpapatupad nito bilang parusa para sa mga karumal-dumal na krimen may kaugnayan sa ilegal na droga at pandarambong.
Maraming mga mambabatas ang naninindigan taliwas sa death penalty dahil sa relihiyosong dahilan, na binabanggit ang Sampung Utos sa Lumang Tipan ng aklat ng Exodus, na nagsasabing: “Huwag kang papatay.” Ngunit sa mga nagdaang siglo, nahahati ang Simbahan dahil sa mga nagkakatalong pananaw ng mga matataas na lider nito hinggil sa isyu. Ilan, tulad ni Pope Pius XII noong 1952 ang nagsabing hindi pinapaboran ng Simbahan ang pagpatay sa mga kriminal bilang paglabag sa estado ng unibersal na karapatang mabuhay. Noong 1995, nakulong si Pope John Paul II kapalit nang pahayag sa parusang kamatayan kung kinakailangan.
Noong 2015, opisyal na ibinigay ng Vatican ang suporta sa isang kampanya ng United Nations laban sa parusang kamatayan.
Nitong 2018, inanunsiyo na magkakaroon ng mga pagbabago ang mga itinuturo ng Simbahang Katolika upang “the death penalty is inadmissible because it is an attack on the inviolability and dignity of the person.” Ginawa ni Pope Francis ang mga pagbabago sa Katesismo at mayorya sa mga bansa sa mundo na may malaking bilang ng populasyon na mga Katoliko ang nagpatupad ng pagbabawal sa parusang kamatayan.
Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, pinatay ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, sa pamamagitan ng firing squad, habang ang mga prayleng sina Gomez, Burgos, at Zamora ay binitay sa pamamagitan ng garrote. Nagpatuloy ang pagbitay sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Hindi ito ipinatupad sa ilalim ng Commonwealth ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1935. Muli itong bumalik noong 1999 hanggang sa ideklara ni Pangulong Estrada ang moratorium noong 2000, na ipinagpatuloy ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na pumalit sa kanya. Ang executive ban ay naging batas nang aprubahan ng Kongreso ang RA 9346 noong 2006.
Ito ang batas na maisasantabi kung pagtibayin ng Kongreso ngayon ang batas na nagpapahintulot ng parusang bitay para sa mga karumal-dumal na krimeng may kinalaman sa droga at pandarambong. Marami sa mga mambabatas ng kasalukuyang 18th Congress ang Katoliko na kumakatawan sa 81 porsiyento ng mga Katoliko sa bansa; magiging isa itong malaking suliraning panloob at isang napakahirap na desisyon para sa kanila.
Ngunit karamihan din sa mga ito ang bahagi ng super-majority sa Kamara at lumilitaw na mayorya sa Senado na tapat kay Pangulong Duterte, na determinado na magkaroon ng parusang kamatayan sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.
Lumilitaw rin ang mga kaugnay na talakayan hinggil sa paraan ng pagbitay sa mga magkakasala— firing squad, silya elektrika, pagbigti o lethal injection; ang pandarambong na pagnanakaw sa pondo ng pamahalaan na hindi bababa sa P50 milyon at maraming mambabatas ang maaaring hindi pumayag na parusahan ang paglabag na ito sa pamamagitan ng parusang kamatayan. May mga isyu rin na lumilitaw sa mga nagsasabi na ang kasalukuyang sistema ng hustisya sa Pilipinas ay hindi kanais-nais para sa mga mahihirap, kaya’t inaasahang mas marami sa kanila ang magdurusa sa parusang ito.
Ngunit ang ubod na konsepto ng parusang kamatayan ang sentro ng kontrobersiya—bilang moral na isyu, bilang kadikit ng paniniwala at pananampalataya. Ito ang magiging sentro ng talakayan, debate at desisyon sa mga susunod na sesyon ng Kongreso.