Kagawad, 2 pa arestado sa droga
Naaresto ng pulisya ang isang barangay kagawad at dalawang umano’y drug pusher sa magkakahiwalay na operasyon sa Barangay Sampaloc, Bolinao, Pangasinan, at sa Ipil, Zamboanga Sibugay. Nakapiit na ang mga suspek na sina Antonio Capua, 55, kagawad ng Bgy. Sampaloc, Bolinao, Pangasinan; Tonton Ontong Alisane, 28, at Asbi Mohammad Sabdani, 39. Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Capua sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng korte, dakong 8:00 ng umaga na ikinasamsam ng apat na plastic sachet ng umano’y iligal na droga. Dinakma naman sina Alisane at Sabdani sa Putok Gmelina, Bgy. Tenan, dakong 6:30 ng umaga. Kumpiskado naman sa dalawa ang 5.5 gramo ng umano’y shabu, dalawang cal. 45 pistol, at P165,000 na pinaniniwalaang drug money. Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.