Ika-116 labas
LUMIPAS ang mga araw.
Masasabing very smooth ang relasyon nina Adora at Ruben. Extra sweet sila sa isa’t isa. Kung manakanaka’y nagkakaroon sila ng maliliit na tampuhan, lalo yatang tumatamis ang kanilang pagmamahalan.
Sabi nga ng isang manunulat: Ang mumunting pagkakagalit na naayos man, ang ano mang labis ay nakasasama. Kaya nga maging sa pagibig, hindi kailangang humantong sa malubhang pag-aaway. Ang ano mang labis ay lason na pumapatay ng ano mang tamis na suyuan!
Alam ni Adora ang bagay na ito kaya inaalagaan niya ng husto ang pagibig nila ni Ruben. At nakikibahagi rin si Ruben. Maunawain siya, mapagmahal, maalalahanin at mapagbigay.
Wala na nga kayang dilim na magpapasama sa langit ng kanilang matamis na pagmamahalan?
Samantala, nang mga sandaling iyon, masasabing tuluyan nang nakalusong si Elsie sa burak. Hindi na kayang bilangin sa daliri ang mga lalaking napagbilhan niya ng kanyang dangal? Ilan na bang executives ang naging suki niya at palagiang kasukob niya sa unan?
Pero may malaking kaibahan si Elsie sa mga karaniwang bayarang babae. Sa kabila ng kanyang sinapit, marunong pa rin siyang gumamit ng isip. Hindi komo’t madali niyang kinikinita ang pera, hindi niya ‘yon nilulustay. Sinisinop niya ang bawa’t pisong sumakay niya. Hindi ba kaya lang siya nagpakasama ay para sa kapakanan ng minumutyang anak? Kung ganoon, ang lahat ng bawa’t sentimo ay dapat lang niyang iukol kay Adora kahit ang ganoon ay mangahuluhan ng halos ay pagkalimot niya sa kanyang sarili.
Ngayong malapit nang makatapos si Adora sa kanyang kurso na nursing, may sapat na siyang nakatago sa bangko. Sa palagay ni Elsie, kahit sabihin pang magastos si Adora, marahil ay sapat na ang kanyang naitatago para indi magipit sa paggastos ang kanyang anak.
“A, Ronie..matutupad ko na ang pangako ko sa’yo,” sabi ni Elsie sa litrato ng kanyang asawa.
Ang sinabi ni Elsie sa larawan ni Ronie ay sinundan niya ng isang taimtim na dasal. Ganoon siya. Sa kabila ng pagkaligaw niya ng landas, hindi niya nakalilimutang tumawag sa Diyos.
Pagkatapos ng maikling dasal ng pasasalamat sa Diyos, hawak na naman niya ang litrato ng asawa. Ganoon siya lagi. Hindi nakalilimot magpasalamat sa Panginoon pagkagising sa umaga at bago matulog sa gabi. Lagi siyang nakakikita ng dahilan para magpasalamat gaano man kabigo o kamalas ang kanyang maghapon. Di ba ang makaraan lang ang maghapon na taglay mo pa ang iyong buhay ay malaking dahilan na para magpasalamat ka sa Panginoon?
“Siguro, Ronie…” sabi na naman niya sa larawan ng asawa. “masisiyahan ka na saan ka man naroon ngayon. Malapit nang matapos ng kanyang karera ang anak mo. Hindi na magtatagal, may maipakikita na akong diploma pagdalaw naming ng anak mo sa libingan mo.”
Dinala niya sa kanyang dibdib ang larawan. Niyakap.
“Sorry rin, Ronie, kung paminsanminsan ay parang gusto ko nang sumuko? Salamat na lang, lagi mo ‘kong binibigyan ng lakas ng loob para makapagtiis. Nalagpasan ko rin ang lahat. Kahit wala ka, alam kong tinulungan mo ako.”
Muli, hinalik-halikan niya ang larawan ni Ronie.
“Kung matagal man akong naligaw, Ronie… hindi ibig sabihin noon ay hindi na ako magbabago. Promise, Ronie…itutuwid ko na ang mapaliko kong landas.”
Itutuloy...