Nang-rape ng 3 anak ng ka-live-in, tiklo
Arestado ang isang 44 taong gulang na lalaking inakusahan ng pangaggahasa at pisikal na pang-aabuso sa apat na anak ng kanyang live-in partnet, sa Mandaluyong, kahapon.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Richard “Putong” Mangaliag ng Barangay Mauway sa Mandaluyong City.
Si Mangaliag ang ikalawang most wanted person ng Eastern Police District, anang pulisya.
Dinakma ng mga tauhan ng District Special Operations Unit sa pangunguna ni Major Darwin Guerrero si Mangaliag bandang 8:45 ng gabi habang patungo sa birthday party ng kaibigan ng kanyang anak.
Ayon kay Guerrero, inaresto ang suspek sa bisa ng apat na warrant na inisyu ni Judge Juliet Manalo-Gaspar ng Mandaluyong City Regional Trial Court Branch 279 para sa mga kaso ng panggagahasa, pangmomolestiya, acts of lasciviousness, at child abuse.
Inakusahan si Mangaliag ng umano’y panggagahasa at pangmomolestiya ng tatlong anak ng live-in partner niya, na kapwa mga menor de edad.
Pisikal din umanong inabuso ng suspek ang isa pang anak na lalaki ng kinakasama noong 2016.
Ayon sa mga biktima, nagaganap ang umano’y panggagahasa kapag umaalis ang kanilang ina para magtrabaho at naiiwan sila sa pangangalaga ng kanilang amain.
Isinumbong umano ng mga bata sa kanilang ina ang insidente ngunit pinabulaanan lamang at kumampi pa sa suspek.
Dahil dito ay sa mga kamaganak na nagsumbong ang apat na magkakapatid na humingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nag-report ng umano’y panggagahasa at pangaabuso sa pulisya.
Nakakulong si Mangaliag sa Mandaluyong Police detention cell.