Tinututukan ng mundo ang nagpapatuloy na kaganapan sa US
SA maraming kadahilanan, mahigpit nating tinututukan ang mga kaganapan sa Estados Unidos na may kaugnayan kay President Donald Trump at ang kanyang politikal na problema. Pinakabago sa mga ito ang imbestigasyon hinggil sa pakikialam ng Russia sa nakaraang eleksiyon ng US, na lumalabas na pumabor sa kanya, ang espesyal na imbestigasyong sumunod dito, at ngayon ang pagdinig ng Kongreso upang linawin kung ano ang aktuwal na natuklasan sa pagsisiyasat.
Isa sa mga dahilan ng ating interes ay ang katotohanan na nasa apat na milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa US, lahat sila ay patuloy na napapanatili ang mahigpit na ugnayan sa kanilang mga pamilya rito sa bansa. Isa pang dahilan ang ating politikal na sistema— kung saan pangulo ang nangunguna sa Sangay ng Ehekutibo, isang Kongreso na binubuo ng Senado at Kamara de Representates, at ang Hudikatura na pinamumunuan ng Korte Suprema—na nakagaya sa sistema ng US. Maituturing din na rason na anumang mangyari sa US, ang pinakamalaking ekonomiya sa mundo at natitirang superpower, ay tiyak na makaaapekto sa mundo.
At nariyan din ang katotohanan na kung ano ang nagaganap sa US sa kasalukuyan ay isang politikal na tanghalan ng pinakatugmang halimbawa nito, kung saan inihahayag ng mga aktor ang pinakamakulay na diyalogo sa pinakamakulay na paraan.
Nitong nakaraang linggo, ang US House of Representatives, ngayo’y kontrolado ng partidong oposisyon, ang Democratic party, ay nagdaos ng isang pagdinig kung saan kinuwestiyon si dating special counsel Robert Mueller hinggil sa natuklasan. Ang Russia, aniya, ay nakialam sa halalan ng US noong 2016 upang mapalakas ang kandidatura ni Trump. “They are doing it as we sit here. And they expect to do it in our next election,” aniya.
Hindi nabanggit ni Mueller kung ‘guilty’ si Trump sa kasong obstruction of justice nang patuloy niyang inatake ang imbestigasyon. Sinabi nitong ang kanyang ulat ay hindi nagtatanggol kay Trump, ngunit dahil maaari lamang ma-impeach ang pangulo, at hindi nang anumang kasong kriminal sa panahon ng kanyang administrasyon, anumang kaso ay mangangailangang maghintay hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.
Nais ng Democrats na ma-impeach si Trump ngunit alam ng mga lider ng partido na bagamat may kakayahan ang Kamara na ma-impeach ito, mapawawalang-sala rin si Trump ng Senado na kontrolado ng Republican. Kaya naman, mas nais ng mga lider-partido na kaharapin na lamang si Trump, na naghahangad na muling mahalal sa nakatakdang pampanguluhang halalan sa Nobyembre, 2020.
Ang proseso ng impeachment ay bahagi rin ng ating politikal na sistema sa Pilipinas. Sinubukan ito noon ng ating Kongreso laban kay dating Pangulong Estrada ngunit ang kanyang paglilitis sa Senado ay inagaw ng People Power sa Edsa na pumutol sa kanyang termino noong 2001, na nagbigay daan sa pag-upo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ilang lider ng oposisyon ang nagpahayag kamakailan ng posibilidad ng pagpapatalsik kay Pangulong Duterte hinggil sa alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon nang payagan nito ang mangingisda ng China sa West Philippine Sea, ngunit sa malakas na suporta na tinatamasa ng Pangulo sa Kongreso—kasama ng mahinang kaso—walang daan upang umusad ang proseso ng impeachment laban sa Pangulo.
Tinututukan ng buong mundo ang nagpapatuloy na politikal na eksena sa US at kabilang sa maraming manonood nito ang mga Pilipino na, hindi natin dapat kalimutan, na mahusay sa politika at teatro.