Inobasyon tungo sa mas mataas na global ranking
NANGAKO si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Pena, kamakailan, na sosolusyunan ang kahinaan ng bansa sa mga makabagong ideya para mapataas pa ang ating ranggo sa Global Innovation Index (GII).
“Of course, to achieve a higher ranking, we have to work on our weaknesses. We will address our weaknesses through science and technology,” pagbabahagi ng opisyal sa Philippine News Agency.
Ang GII ay isang pagraranggo ng mga ekonomiya ng mga bansa sa kanilang kapabilidad sa mga inobasyon. Dito, ang mga input sa mga makabagong ideya ay kinokonsidera, paliwanag ni dela Pena.
Inilabas ang pinakabagong resulta ng GII nitong Miyerkules ng gabi kung saan ang Pilipinas ay nasa 54, mas mataas ng 19 na puwesto mula sa 73 noong 2018 at 2017.
Kinokonsidera ng GII ang pitong haligi: Mga institusyon, Human capital at pananaliksik, Imprastraktura, Business sophistication, Market sophistication, Knowledge at technology outputs, at Creative outputs.
Maliban sa market sophistication, nagkaroon ng mataas na grado ang Pilipinas sa anim na aspeto, mas mataas sa karaniwan ng bracket ng lower middle-income.
Ayon kay Dela Pena, ang Market sophistication ay ang credit investment. Ipinakita ng resulta ng GII na ang kahinaan ng bansa ay ang market sophistication, kung saan ika-110 tayo, ani Dela Pena.
Sa ilalim ng market sophistication, ang Pilipinas ay mababa ang nakuha na iskor sa Credit (126) at Investment (118), Ease of getting credit (128), Microfinance gross loans (76), at Venture capital deals (68).
Gayunpaman, binanggit naman ni DOST chief na kung ikukumpara sa ibang mga ekonomiya sa Timog-silangang Asya, Timog Asya at rehiyon ng Oceania, ang Pilipinas ay nakalalamang sa knowledge at technology outputs.
Ika-25 ang ‘Pinas sa mga sumusunod na larangan: trade, competition and market scale, knowledge absorption, at knowledge diffusion.
Dagdag pa nito, pangunahing layunin ng DOST ay ang Science for Change Program (S4CP).
Ang programang ito ay kikilala sa mga aspetong nangangailangan ng mas mabusising pananaliksik at pagpapaunlad sa pamumuhunan at inobasyon.
Ang pakikipagtulungan sa mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, lalong-lalo na sa probinsya, ay parte rin ng programa.