Ipinako na ni DU30 ang pangako
“KAPAG sa akala ng Pangulo na ang kuro-kuro ni Secretary Pernia ay magandang dahilan upang i-veto ang panukala, nasa kanya na kung kanya itong susundin. Total kung ito naman ay bebetuhin, pwede namang amyendahan ito ng mga mambabatas o magpasa sila ng ibang panukala para lagdaan ng Pangulo,” wika ni Presidential Spokesperson
Salvador Panelo. Ang tinutukoy niya ay ang bill na maggagarantiya sa tagal ng panunungkulan ng mga manggagawa. Ito ang magwawakas sa kontraktuwalisasyon na panukalang kapag nilagdaan ng Pangulo ay ito ang magiging bunga. Ang problema beneto ng Pangulo ang panukala. Nauna rito, nagmungkahi si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na kailangan munang pag-aralan ang bill para maging kaayaaya sa mga kapitalista at manggagawa.
Noong panahon ng kampanya para sa panguluhan, isa sa mga ipinangako ni Pangulong Digong ay ang tapusin ang kontraktuwalisasyon. Hindi, aniya, makatarungan na walang katiyakan ang itatagal ng mga manggagawa sa kanilang trabaho. Kapag pwede silang alisin anumang oras, hindi nila matatamasa
ang mga benepisyong ibinibigay ng batas. Naniwala ang mga manggagawa at inihalal nila si Pangulong Duterte. Noong una, pinulong ng Pangulo sa Malacañang ang mga manggagawa at hiningian niya ang mga ito ng panukala para wakasan ang kontraktuwalisasyon. Kaya lamang, lumikha siya ng executive order na hindi naaayon sa kagustuhan ng mga manggagawa. Ang katwiran ng Pangulo ay hanggang doon lang sa isinasaad ng kanyang kautusan ang kayang sakupin ng kanyang kapangyarihan. Ang Kongreso, aniya, ang makagagawa ng batas para wakasan ang kontraktwalisasyon dahil batas ang nagtatadhana nito.
Pero, nang ibalik sa Pangulo ang isyu, napagtanto niya na hindi niya matutupad ang kanyang pangako dahil ibinasura niya ang bill na ipinasa ng
Kongreso para sa security of tenure ng mga manggagawa. Ganito ang naging kapalaran ng kanyang ipinangakong ipaglalaban ang soberenya ng bansa sa West Philippine Sea. Nangako siyang mag-isang mag-i-ski patungo sa Scarborough Shoal at itatanim niya ang bandila ng bansa. Iba ang naitanim at nagtanim nang siya ay manungkulan na. Ang naitanim ay mga isla at ang nagtanim ay ang China. Ginawa na nitong mga imbakan ng mga kagamitang pandigmaan. Kaya, inihayag ng Pangulo sa SONA na ipinakiusap niya kay Premier Xi Jingping ng China na pahintulutan na nitong mangisda ang mga Pilipino sa Panatag Shoal dahil “in possession” na ito rito at inari na nilang kanilang ang yaman dito. Ipinako na ng Pangulo ang kanyang mga pangako.