Sisigla ang jueteng, masiao at ‘sugal lupa’
MARAMI ang nagulat sa unang araw nang pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ipinasasara niya ang lahat ng pasugalan na pinamamahalaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), dahil sa “massive corruption” ng mga namamahala rito.
Siyempre, pangunahin sa nasapol nito ay ang lotto na kinalolokohan ngayon ng mga kababayan nating nangangarap na maging instant millionaire, at kasama na ako rito!
Pahayag ni Duterte: “I have today ordered the closure, the stoppage of all
gaming schemes sa…whatever nature, however done, that got the franchises to do from the PCSO. The ground is massive corruption involving all, pati the courts who repeatedly issued injunctions to paralyze government and to allow corruption to thrive.”
“Pending investigation, lahat ho ng laro ng Lotto, STL, Peryahan ng Bayan, or whatever nature, there’s one that yung gambling machine, Keno, I said all gaming activities. Yung gambling, that got the franchise from government through PCSO, are, as of today, suspended or terminated because of massive corruption,” dagdag pa niya.
Inatasan ni Duterte ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philppines (AFP) na agad ipatupad ang kanyang utos na ipasara at ipatigil ang mga lotto outlet, ‘Peryahan ng Bayan’, small town lottery (STL), at Keno.
Kaya naman kinabukasan ng Sabado, labis ang pagkabigla ng mga apasionado ng lotto – ‘yung mga marahil ay hindi agad nakarinig o nakabasa man lang ng balita hinggil dito – nang datnan ang kanilang paboritong PCSO authorized
outlet na naka-padlock, at kuntodo napaiikutan pa ng dilaw na ribbon na may nakasulat na: “POLICE LINE, DO NOT CROSS”, na kalimitan lang nakikita sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen o malaking aksidente.
Ngunit kung malungkot ang mga lotto apasionado ng PCSO, todo-pasa lang ang ibang “legal” na pasugalan ng bayan, na gaya ng “on-line sabong”, “horse racing” at iba pang mala-casino ang operasyon, na nakakalat rin sa iba’t ibang lugar sa buong bansa. ‘Di kasi apektado ng utos ni Pangulong Duterte ang mga pasugalang nasa ilalim naman ng pamamahala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kung tuloy ang ligaya ng mga ‘betting station’ sa ilalim ng PAGCOR, sa palagay ko’y hindi naman sila nag-iisa – marami itong kasama na nagbubunyi, mga ilegal nga lamang!
Sa totoo lang, may mga iba’t ibang pasugulan ang nakakalat sa buong bansa, partikular dito sa Metro Manila, na tuluy-tuloy ang operasyon – patago nga lang— gaya ng jueteng, masiao, tupada at iba pang sugal-lupa, na
siyang pinagkakakitaan ng mga police commander ng mga presinto at mga kakutsaba nilang barangay officials.
Kinukunsinti nila ang mga ito bilang harimunan, dahil hindi man lang kasi sila “makakurot” sa kita ng mga bigtime na “legal” PCSO gambling operators.
Sa bagong kautusan na ito ni Pangulong Duterte, sigurado ako na naglulundagan na sa tuwa ang mga opisyal na “patong” sa jueteng, masiao at mga sugal-lupa, dahil nawalan ng isang malaking kakumpitensiya ang pinuprotektahan nilang “underground industry,” at umpisa na naman ito nang pagkakamal nila ng paldu-paldong pera na tinatawag na intelihensiya o protection money – ang grasyang galing sa “RA-1602”.
Sisikapin kong mai-monitor ang mga pakulo ng mga ilegal gambling operator na ito, na siguradong sasamantalahin ang mamamayaning sitwasyon dulot ng pagsasarado ng mga pasugalan sa ilalim ng PCSO—agad ko itong ikukuwento sa inyo. ABANGAN!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com