Balita

Suspek, tigok nang ‘mang-agaw’ ng baril

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang lalaki na umano’y sumaksak sa kanyang apat na anyos na pamangkin sa Tondo, Maynila, matapos umanong mangagaw ng armas sa pulis sa loob ng presinto sa Maynila, Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, napatay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Moriones Station (PS-2), si Edmundo Perucho, 51, kilala umanong drug addict na kasama sa drug watchlist ng pulisya, at residente ng 418 Gate 10, Area-B, Parola Compound, Tondo, nang mang-agaw ng baril ng pulis dakong 8:30 ng gabi.

Bago ito, naaresto ng mga awtoridad si Perucho, matapos umanong tadtarin ng saksak ang 4-anyos nitong pamangkin sa kanyang bahay sa nasabing lugar.

Sa ulat ni P/SSgt Roderick Magpale ng Manila Police DistrictCr­imes Against Persons Investigat­ion Section (MPD-CAPIS), base sa kuha ng CCTV camera sa lugar, lumilitaw na dakong 1:00 ng hapon ay makikita pa ang biktima na naglalaro sa kalsada sa labas lamang ng eskinita na papasok sa kanilang tahanan, ngunit pagsapit ng 1:12 ng hapon ay nakita umano itong pumasok na sa eskinita, matapos na tawagin ng suspek upang utusang bumili ng yelo sa tindahan.

Gayunman, sa halip na pabilhin ng yelo ay isinagawa umano ng suspek ang pagpatay sa biktima.

Ayon sa testigong si Jennifer Matibag, dakong 1:40 ng hapon nang makita niyang nag-aamok ang suspek, at nagsisigaw habang palabas ng eskinita at sinasabing “Patayin nyo na ako! Pumatay ako ng bata!” sigaw pa umano nito, habang iwinawasiw­as ang dalang duguang kutsilyo, na may habang 15 pulgada.

Nang marinig umano ng isa pang testigong si Joan Catuba ang sinabi ng suspek ay kaagad itong nagtungo sa bahay ng suspek, at dito niya nadiskubre ang duguang biktima.

Kaagad namang isinugod ang biktima ng kanyang amang si Gener sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit idineklara na itong patay ng mga doktor.

Naaresto ng mga rumesponde­ng tauhan ng MPD-Moriones Police Station 2 (PS-2) ang suspek at kaagad na dinala sa presinto upang maimbestig­ahan.

Gayunman, dakong 8:30 ng gabi, habang ipinoprose­so ng mga pulis ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso ay nagpaalam umano ang suspek na gagamit ng palikuran.

Habang patungo sa palikuran ay bigla na lang umanong sinunggaba­n at inagaw ng suspek ang service firearm ng isang pulis, na nauwi sa agawan ng baril, hanggang sa maputukan siya nito, na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Hinala naman ng mga awtoridad, pinagbalin­gan ng galit ng suspek ang biktima matapos na lumitaw sa imbestigas­yon na bago ang pagpatay sa paslit ay nakipag-inuman pa ang suspek sa ama ng biktima, na nakababata­ng kapatid ng asawa nito.

Sa kasagsagan ng inuman ay naglabas umano ng sama ng loob ang suspek kay Gener hinggil sa pangangali­wa umano ng kanyang misis.

Inakusahan din umano ng suspek ang ama ng bata na may alam sa ginagawang pamimindeh­o sa kanya ng asawa, ngunit kinukunsin­te nila ito, na mariin namang pinabulaan­an ni Gener.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines