Ika-126 na labas
KAHIT na gaanong pagtawag ang gawin ni Erlyn, hindi na kumibo si Mommy Marita. Sa halip sumagot sa papalakas niyang tawag, unti-unti itong pumikit. Natural na pagpikit na parang matutulog lang.
Maaliwalas, masaya ang bukas ng mukha ni Mommy. Panatag. Parang hindi nagtiis ng ano mang mamhabang karamdaman. Bahagya pa nga itong nakangiti.
“Mommy….Mommy! Mommy koooo!”
Gising na si Daddy. Nakalapit na ito kina Mommy at Erlyn.
Aktong niyuyogyog ni Erlyn ang mga balikat ni Mommy. Gusto bang gisingin sa pagkakahimbing? Nagsimula ang yugyog sa mahina pero papalakas… palakas!
“Anak, Erlyn…tama na!” Dumantay sa balikat niya ang isang kamay ni Daddy Mamerto. “Hayaan mo na siya, anak. Pagod na siya. Hayaan na natin siyang mamahinga. Kawawa naman ang mommy mo!”
“Baka tulog lang siya. Gisingin natin siya Daddy.”
“Ang anak na ire. Nasa talaga na siya ng Diyos.”
“Si Dok…kelangan natin si Dok.” “Hindi na, anak…”
Sa kabila ng sinabi ni Daddy, tinakbo pa rin ni Erlyn si Dr. Rommel sa doctor’s quarters. Sinabi niya ang gusto niyang sabihin hindi lang kay doctor nila kundi sa lahat ng doctor na naroon sa quarters.
Patakbong tinungoo ni Dr. Rommel kasama ang dalawa pang doctor ang bedroom ni Mommy Marita.
Pinagkakaguluhan ng mga doctor at nurses si Mommy Marita. Nakamasid lang, parang nahihindik sina Daddy Mamerto at Erlyn.
Wala nang nagawa ang karungan ng tao. Pumuputak na ang araw nang sabihin ni Dr. Rommel ang oras at idineklarang patay na si Mommy!
Nailibing na si Mommy Marita. Matapos na rin ang patatlong gabi at pasiyam na paglalamay na naging kaugaliang Katoliko pag namatay ang isang mananampalataya.
Sa gitna ng matinding pagdadalamhati at kalungkutan sa mga nagdaang araw, hindi nakakalimutan ni Erlyn ang napakahalagang sinabi ni Mommy Marita: Kahit kailan, Erlyn… Hindi ka naging ibang tao sa akin. Ibinigay ko sa iyo ang pagmamahal ng tunay na ina.
Ngayong wala na si Mommy at sila na lang dalawa sa bahay na iyon, mananatili pa kaya silang magkasama? Kung noong buhay pa si Mommy ay nagkakailangan na sila ngayon pa kayang silang dalawa na lamang? ‘Di ba noon pa, hindi na nga maiiwasan ni Daddy Mamerto ang mangilag sa kanya…ngayon pa kaya?
Wala kayang nahahalata sa kanya si Daddy Mamerto? Hindi kaya ito naghihinala man lamang na alam na niya ang hindi naman niya ito tunay na anak? Dapat siguro maging tapat na sila sa isa’t isa. Kung si Daddy Mamerto ay makakayang magkunwari sa habampanahon, hindi marahil siya. Kailangang malaman ni Daddy Mamerto na alam na niya ang lahat tungkol sa kanyang pagkatao.
Saka niya hiniling sa kanyang Daddy na magkausap ng masinsinan.
“Pwede ko ho ba kayo, Daddy… makausap ng tapatan?”
Sa tanong pa lamang na iyon, parang naalarma na ang daddy niya. Parang bigla’y hindi ito mapalagay. Nauna siyang naupo sa sofa na sinundan ni Daddy Mamerto. Matagal na silang magkaharap, wala pang nagsasalitang sinuman sa kanila.
Ang daddy rin niya ang hindi nakatiis: “A-ano ba ang.. gusto mong pag-usapan natin, anak?”
“Kasi, ho…” Hindi yata niya ngayon matawag na Daddy si Mang Mamerto. “May sinabi sa’kin si Mommy.” Sinabi niya ang talagang sinabi ni Aling Marta. “Linawin na nga ninyo ‘yon, Mang Mamerto?”
Itutuloy...