Bawal pumasok sa US mga opisyal na nagpakulong kay De Lima
HINDI makapapasok sa United States ang mga opisyal ng Duterte administration na sangkot umano sa “wrongful detention” ni Sen. Leila de Lima. Ito ay batay sa probisyon ng $1.4-trillion US budget sa 2020 na nilagdaan ni US Pres. Donald Trump.
Kabilang sa inisyal na listahan ni De Lima na “nagpahirap” sa kanya at nagmaniobra para kasuhan ng illegal drug trade ay sina Pangulong Duterte, ex-DOJ Sec. Vitaliano Aguirre, Solicitor General Jose Calida, ex-House Speaker Pantaleon Alvarez, ex-Majority Leader Rodolfo Farinas, ex-Mindoro Oriental Rep.
Umali, PAO chief Persida Acosta, PCSO board member Sandra Cam, presidential spokesman Salvador Panelo, PACC chief Dante Jimenez, atbp.
Ang travel ban ng Filipino officials sa US ay bahagi ng mga susog sa State and Foreign Operations section ng budget program na isinulong nina US Sens. Richard Durbin at Patrick Leahy. Ganito rin ang sanctions na ipinataw sa mga opisyal ng gobyerno ng Egypt, Saudi Arabia at Turkey dahil sa pagkukulong sa US citizen.
Minaliit ni presidential spokesman Salvador Panelo ang pagbabawal sa Filipino officials na magbiyahe sa US at sinabing dapat ay may probisyon sa batas na bago ito maipatupad, kailangang may credible information na nagpapatunay na mali ang pagpapadetine kay De Lima.
Ang senadora ay nakapiit sa PNP Custodial Center, Camp Crame mula noong Pebrero 2017 dahil sa drug charges. Ayon kay De Lima at sa mga kritiko ng administrasyon, inutos ng hukuman na siya’y mabilanggo bunsod umano ng gawa-gawang bintang (trumped up charges) upang pagbigyan at masiyahan si Pres. Rodrigo Roa Duterte, na ang bloody drug war ay binabatikos niya.
Sa kanyang sulat-kamay na liham mula sa bilangguan, nagpasalamat ang opposition senator sa US Congress. “This latest development signals the fact that impunity cannot last and that one way or another, justice will catch up with those who chose to do injustice to others. This also signifies a solid recognition by the US government that I am a clear victim of political persecution.” Ano ang masasabi mo rito Mr. Spokesman?
oOo
Ano ba talaga itong resumption o muling pagbubukas ng peace talks ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s ArmyNational Democratic Front (CPP-NPANDF)? Batay sa balita noong Disyembre 24 (NPA stages ambush on Day One of Truce), isang sundalo ang napatay at walong iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na pagsalakay ng umano’y NPA rebels sa Camarines Sur at Iloilo ilang oras lang matapos ang deklarasyon ng tigil-putukan ng magkabilang panig.
Kung ganito ang mangyayari, malamang kaysa hindi na mapupurnadang muli ang peace talks resumption na gusto sana ni PRRD upang matigil na ang labanan at patayan ng mga tropa ng gobyerno at ng rebeldeng NPA.
Welcome na welcome sa kampo ni Vice Pres. Leni Robredo ang pagbuti at pag-angat ng kanyang approval at trust ratings batay sa Pulse Asia survey nitong Disyembre 3-8, 2019. Sinabi ng spokesman ni Robredo na si lawyer Barry Gutierrez, ang malaking pag-angat sa rating ng Bise Presidente ay pagkilala sa kanyang tahimik at makahulugang pagsisikap para sa kapakanan, kagalingan at kabutihan ng mga Pilipino.
Ayon kay Gutierrez, lalong magsisikap si VP Leni na magtrabaho nang doble para sa maginhawang buhay, at karapatan ng bawat pamilyang Pinoy, lalo na iyong underprivileged at nasa laylayan ng lipunan.