2 PULIS NASISIBAK ARAW-ARAW
Dalawang pulis ang sinisibak sa serbisyo kada araw alinsunod na rin sa ipinaiiral na internal cleansing program nito.
Pinagbatayan ni PNP officerin-charge Lt. Gen. Archie Gamboa, ang natatanggal na nilang 90 pulis sa serbisyo sa nakaraang dalawang buwan kaugnay na rin ng nabanggit na programa.
“We are averaging two policemen being dismissed every day. And this is continuing,” aniya.
Mahigit na aniya sa 3,000 pulis ang nasibak na nila sa serbisyo mula pa noong Hulyo 2016, kabilang ang 448 na sangkot sa illegal drugs.
Kasama aniya sa bilang ang 13 pulis na dawit sa kontrobersyal na Pampanga drug raid. Paglilinaw niya, ang mga ito ay na-dismiss dahil sa pagkakasangkot nila sa isa pang kaso ng robbery exortion sa Antipolo City.
Binanggit din nito sa nasabing bilang ang tatlong police major na nahuling nangingikil ng P5 milyon mula sa mga bidders ng mga body cameras ng PNP.
“Last night (Friday) I signed a charge sheet recommending for the punishment of police colonels because they might say that we are only running after the low ranking police officers, so there is no exempted here,” banggit nito.
Dahil aniya sa patuloy na kampanya ng pulisya laban sa mga tiwaling miyembro, naniniwala si Gamboa na manunumbalik na ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga pulis na nawala dahil sa Pampanga drug recycling scandal.
“When I assumed office last October 14, it was a difficult time for the PNP and I admit that we were really affected, and that’s why I had a very great challenge ahead of me on how to regain the public trust to the PNP,” dagdag pa ng opisyal.