Balita

65% Pinoy ayaw na sa martial law

- Beth Camia

Umaabot sa 65 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala­ng hindi na dapat palawigin pa ang martial law sa Mindanao na magtatapos ngayong araw, Disyembre 31.

Ito ay batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), saan lumitaw na nasa 65% ang nagpahayag na dapat nang tapusin ang martial law.

Sa survey ng SWS, umabot lamang sa 34% ang nagsabing dapat pang palawigin ang ML sa Mindanao.

Hindi naman sinagot ng natitirang 1% ang katanungan­g, “In your opinion, should Martial Law in Mindanao lapse at end-2019, or be extended for a longer period?”

Isinagawa ang survey mula Disyembre 13 hanggang 16 sa 1,200 na Pinoy, 300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao noong Mayo 23, 2017, kasunod ng pag-atake ng grupong Maute sa Marawi City.

Isang buwan lamang ang orihinal na itatagal nito ngunit tatlong beses itong pinalawig ng Kongreso, alinsunod sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tiyakin ang katahmikan sa Mindanao.

Kamakailan ay sinabi ng Malacañang na hindi na papawigin ng Pangulo ang martial law sa ikaapat na pagkakatao­n, batay na rin sa rekomendas­yon ng security at defense advisers.

Ipinadala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kanyang rekomendas­yon na tanggalin na ang martial law sa Mindanao.

“I was assured by the Armed Forces, the police, that we have already accomplish­ed what we need to do. With the situation there now, we believe we can maintain the peace and order and improve it further without martial law,” ani Lorenzana.

Samantala, sa 34% gustong pahabain pa ang martial law, 22% ang nais sakupin ng martial law ang buong Mindanao, habang 7% ang gustong sa Lanao del Sur lang, kabilang na ang Marawi, at 5% ang gustong sa Lanao del Sur, Marawi City at kalapit na probinsya lang ipatupad ang martial law.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines