Balita

6 NATUSTA SA SUNOG

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Anim na katao, na kinabibila­ngan ng isang ginang at kanyang tatlong anak, ang patay sa isang sunog na sumiklab sa isang residentia­l area sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang mga nasawi ay nakilalang sina Odessa Conde, 36; at mga anak na sina Yhancy Kieffer, 8; Yara Courtney, 9; at Yhexel George, 10; pinsan ni Odessa na si Jean Paul Esguerra, 42, na isa umanong person with disability; at isang Aquelina Romero Javana, 44, pawang taga-Yuseco Street, Tondo.

Nasugatan naman sa sunog ang asawa ni Odessa na si George, 43, na nilalapata­n na ng lunas sa pagamutan.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7), sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng paupahang bahay na pagmamay-ari ng isang Evangeline Loytero, na matatagpua­n sa 2016-C Katamanan Street, Tondo, habang nasa kasarapan ng mahimbing na pagtulog ang mga biktima, dakong 2:30 ng madaling araw.

Mabilis namang kumalat ang apoy sa may 20 pang katabing bahay.

Ayon kay Fire Insp. John Joseph Jalique, hepe ng Manila Fire District Intelligen­ce and Investigat­ion Section, ginagabaya­n na ni George ang kanyang magiina palabas ng nasusunog nilang tahanan ngunit posible umanong naharangan ang daanan ng magiina ng makapal na usok kaya’t naiwan at hindi na nakalabas pa.

Unang narekober ng mga awtoridad ang mga bangkay ng mag-iinang Conde, at Esguerra. Huling natagpuan ang bangkay ni Javana sa loob ng banyo.

Sunug na sunog ang bangkay ng mga ito nang madiskubre ng mga bumbero.

Sa report, umakyat ng ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklara­ng under control dakong 3:52 ng madaling araw, at tuluyang naapula dakong 7:14 ng umaga.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 40-pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa tinatayang nasa P100,000 halaga ng mga ari-arian.

Ayon sa imbestigad­or, bago ang insidente ay nag-away ang anak ni Evangeline na si Eduardo Loytero, na umano’y drug addict, at asawa nito.

Matapos ang pag-aaway ay umalis ng bahay si Eduardo at nang bumalik ay hinahanap ang asawa.

Nang hindi mahanap, binuhusan umano nito ng gas ang kuwarto nila sa ikalawang palapag na naging sanhi ng sunog.

 ??  ?? ‘DI NAKALABAS Binalikan ng mga residente ang natupok na bahay kung saan natagpuan ang natustang bangkay ng anim na katao, kabilang ang mag-iina sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
JANSEN ROMERO
‘DI NAKALABAS Binalikan ng mga residente ang natupok na bahay kung saan natagpuan ang natustang bangkay ng anim na katao, kabilang ang mag-iina sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw. JANSEN ROMERO

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines