R15.4 milyon pabuya sa 4 na tipster
Apat na sibilyan na nagbigay ng tips para makatulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mahuli ang pitong high-ranking terrorists ang binigyan ng P15.4 na milyon sa isang seremonya na ginanap kahapon sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Personal na iniabot nina Lieutenant General Felimon Santos Jr., AFP Chief of Staff, at Police General Archie Gamboa, PNP Chief, ang mga bungkos ng pera sa apat na hindi pinangalanang informants na nakasuot ng mga itim na maskara para itago ang kanilang mukha para sa kanilang seguridad.
Isa sa informants ang tumanggap ng kabuuang P12.4 milyon sa pagbabahagi ng “vital” information na nagbunga sa pagkamatay nina Abu Sayyaf Group (ASG) leader Isnilon Hapilon, na P7.4-M patong sa ulo, at Maute Group leader Omar Khayam Maute, na may P5-M pabuya.
Sina Hapilon at Maute, kasama ang kapatid ng huli na si Abdullah, ang mga utak sa likod ng Marawi City siege noong Mayo 2017.
Napatay ang mga terrorist leaders sa joint law enforcement operation ng AFP at PNP noong Oktubre 16, 2017 sa Marawi City.
Isang informant naman ang tumanggap ng P1.8M matapos tumulong sa mga pulis na maaresto ang tatlong Abu Sayyaf Group members sa serye ng mga operasyon simula Hunyo hanggang Hulyo 2016.
Ang mga nahuling ASG terorrists ay kinilalang sina Bads Adjam alias Abu Jihad; Adjid Isnani alias Adjid Halik; at Adam Muhadam alyas Junior Hali. Sinabi ng pulisya na P600,000 ang pabuya sa ulo ng bawat isa.
Dalawa pang informants ang tumanggap ng tig-P600,000 sa pagtulong na maaresto si Jumar Ibrahim, miyembro ng Maute Group; at pagkamatay ni Abu Sayyaf sub-leader Mohammad Aklam Said.