Filipino grandma wagi ng beauty pageant sa Bulgaria
NAKUHA ng isang Filipina trading executive na nakabase sa New York, USA ang isa sa mga major titles ng Mrs. Grandma Universe beauty pageant na ginanap sa Sofia, Bulgaria nitong Miyerkules ng umaga, Enero 22.
Kinoronahang Mrs. Grandma Galaxy 2020, si Edna Engcong Arquero, isa sa major titles ng international competition. Nakuha rin niya ang Best In Evening Gown special award.
Hindi naman nakalimutang pasalamatan ni Arquero ang kanyang pamilya at mga kaibigan na sumuporta sa kanyang journey sa Mrs. Grandma Universe 2020 pageant.
“When national director Tatta Saguin chose me to represent Mrs. Grandma Universe, I immediately informed my loved ones and they gave me the gosignal to do it,” pagbabahagi ni Arquero. May dalawang anak at tatlong apo na si Arquero.
Ipinanganak ang 60-anyos na beauty queen sa Tondo, Manila ngunit lumaki sa Mindanao kung saan siya nakapagtapos ng business administration sa kolehiyo. Ang kanyang ama ay isang military officer.
Ayon kay Mrs. Arquero, aktibo siya sa paggawa ng mga charity works tulad ng patulong sa “Silongan” street children ng Iligan City, pagsuporta sa causes ng
Cagayan de Oro-Misor Association, at donor ng St. Jude Hospital, habang bahagi rin siya ng mga aktibidad na laban sa autism.
Nangako naman siya na patuloy na susuportahan ang mga charitable organizations, particular ang Mrs. Grandma Universe sa ilalim ng Megi Savova.
Nang matanong kung anong katangian mayroon ang mga Filipino beauty queens para mag-standout:
“Filipinas are smart and talented that’s why they shine in pageants. They personify hard work and excellence in everything they do,” paliwanag ni Arquero.
Aniya, mahalaga sa kanya ang Mrs Grandma Universe pageant dahil naipapakita niya na hindi hadlang ang edad para sa tagumpay.
“Through this pageant, I would be able to show to the universe that age is not a barrier in reaching your goals and in helping others. It’s love, kindness and beauty that I really care about,” aniya.