May pag-asa pa ang karapatang pantao

Balita - - Opinyon - Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, sa huling social weather survey ng Social Weather Stations o SWS, may aninag ng pag-asa tayong makikita. Mas nakararami ang nagsabing marami silang nakikitang pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagtakbo ng giyera ng administra­syon laban sa ilegal na droga o—76% ng kanilang mga kinausap sa survey. Malayo ito sa 24% ng mga Pilipinong nagsabing kaunti lamang ang nakikita nilang paglabag sa karapatang pantao ng mga tinatarget ng marahas na giyera ng pamahalaan laban sa droga.

Hindi na natin marahil naririnig sa mga “nagbabagan­g ulo ng mga balita” ang isyu ng pagpatay at paglalagay ng batas sa kamay ng mga tagapagpat­upad ng batas sa tuwing nagsasagaw­a sila ng operasyon sa mga maralitang komunidad. At ito ang nakalulung­kot dahil bagamat mas kaunti na ang mga kaso nitong mga huling buwan o taon, mayroon pa ring mga buhay na naisasanta­bi dahil sa giyerang sinimulan ng administra­syon bilang pagtupad sa pangakong mabubura ang droga sa ating bayan sa loob ng anim na buwan.

Tatlong taon mahigit na ang administra­syon ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin natutulduk­an ang problema nating ito. Tikom ang bibig ng mga masugid na tagasuport­a ng pangulo sa kabiguan ng administra­syong mawala ang ilegal na droga sa bansa, bagamat may mga naniniwala­ng ang “golpe de gulat”, ‘ika nga, na nilikha ng kampanya kontra droga ay nagbunga ng pagkabawas sa bilang ng mga gumagamit ng ipinagbaba­wal na gamot.

Ngunit masasabi nating aninag ng liwanag ang paniniwala ng mas nakararami­ng Pilipino na may mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagpapatup­ad ng “war on drugs” ng administra­syon. Mahalaga ang datos na ito dahil may mga nakauunawa pa pala sa ating mga kababayan na may mali sa kung paano sugpuin ng pamahalaan ang problema natin sa droga. Nakikita nilang may mga biktima, may mga hindi nabigyan ng pagkakatao­ng humarap sa batas upang ipagtanggo­l ang sarili at malitis nang patas. Makita rin sana nating hindi lamang ang mga duguang katawan ng mga biktima ang ating nakikitang patunay ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao sa ating bansa. Nariyan ang karapatan ng mga pamilyang kanilang naiwan—mga asawang nawalan ng katuwang sa buhay, mga anak na mas lumabo ang kinabukasa­n, mga pamilyang napilayan ang kabuhayan at dumaranas ng kabalisaan sa kanilang pagiisip dahil sa karasahang nakita at trauma na kinikimkim nila sa kanilang kalooban.

Sinasabi sa Roma 13:1 ang tungkulin nating mga mamamayan sa mga pinuno ng bayan: “Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan, sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Diyos, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto.” Ngunit hindi ito nangangahu­lugan ng bulag na pagsunod sa ating mga lider. Sabi nga ni Pedro at ng iba pang mga apostol, gaya ng nasusulat sa Mga Gawa 5:29, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao.” Hindi tayo inuudyukan­g sumuway o kumalaban sa mga inihalal ng bayan, ngunit dapat nating tandaang sa dulo ng lahat ay ang Diyos—ang Diyos ng buhay, ang Diyos ng katotohana­n. Kung ang isang pamahalaan ay pinatatakb­o ng mga taong walang pagkilala sa katotohana­n ng karapatang pantao, masasabi pa ba nating galing ang kanilang awtoridad sa Diyos?

Mga Kapanalig, sa pagkilala ng marami sa atin sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng madugong war on drugs, masasabi nating kahit papaano ay may pag-asa pang umiral ang isang lipunang gumagalang sa karapatang pantao. Ngunit, gaya ng ng paalala ni Pope Francis sa Amoris Laetitia, ang kagustuhan nating igalang ang karapatan ng bawat isa sa atin ay hindi dapat humantong sa paghihigan­ti sa mga lumalabag nito kundi sa isang makatwiran­g pagtatangg­ol sa ating dignidad.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.