Balita

Traffic enforcer, tinodas ng tandem

- Bella Gamotea

Patay ang isang traffic enforcer matapos umano itong barilin ng dalawang suspek na nakamotors­iklo habang nagmamando ng trapiko sa gitna ng fun run sa Paranaque City, kahapon ng umaga.

Binawian ng buhay nang idating sa Ospital ng Paranaque ang biktimang si Armando Sabado y Dela Cruz, 47, traffic enforcer ng Paranaque City Traffic Bureau, at residente sa naniniraha­n sa Pag-ibig sa Kapwa Malacanang Dulo, Barangay Don Bosco sa nasabing lungsod, sanhi ng dalawang tama ng bala sa dibdib buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakil­anlan ng dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo­ng walang plaka.

Ayon kay Paranaque City Police chief,Colonel Robin King Sarmiento,ang pamamaril sa biktima ay naganap sa harapan ng Rotary Homes, C-5 Road Extension, Bgy. La Huerta sa naturang siyudad, dakong 6:55 ng umaga.

Abala umano sa pagmamando ng daloy ng trapiko ang biktima sa kasagsagan ng fun run ng mga estudyante ng Paranaque City College nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang armadong suspek na magkaangka­s sa motorsiklo at pinagtulun­gang umanong barilin si Sabado.

Nang makitang duguang bumagsak sa kalsada ang biktima, mabilis na umanong tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon.

Mabilis na dinala ang biktima sa naturang pagamutan subalit idineklara­ng dead on arrival ng mga doktor.

Dinala ang labi ni Sabado sa Peoples Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.

Inihayag naman ni Col. Sarmiento na kasalukuya­n pang inaalam ang motibo sa pamamaril at sinusuri pa ang kuha ng CCTV camera sa lugar na makatutulo­ng sa pagtukoy sa mga salarin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines