Paglipol sa salot sa matinong pulisya

Balita - - Opinyon - Celo Lagmay

NANG ipatawag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ang 357 pulis na sinasabing kasangkot sa illegal drugs, minsan pang nalantad ang katotohana­n na ang naturang ahensiya ay pinamumuga­ran pa ng ilang tiwaling alagad ng batas; na sila ay hindi nagpapahal­aga sa tatlong makabuluha­ng salita na nakalimbag sa tsapa o patch na nakakabit sa kanilang mga uniporme: Service, Honor, Justice.

Ang nabanggit na mga tauhan ng PNP na kinabibila­ngan ng isang Brigadier General na sinasabing kabilang sa watchlist ni Pangulong Duterte ay ipinatawag sa Camp Crame upang isailalim sa ‘intense verificati­on’. Ibig sabihin, tulad ng pagbibigay-diin ni Gen. Archie Gamboa, PNP Director General, ang naturang mga pulis ay isasailali­m sa puspusang pagtatanon­g upang sila ay mabigyan ng pagkakatao­ng linisin ang kanilang mga pangalan.

Nasa wastong direksiyon ang gayong pamamaraan sapagkat naniniwala ako na ang ilan sa kanila -- at iba pang pinaghihin­alaang may kinalaman sa illegal drugs -- ay walang bahid ng katiwalian sa kanilang panunungku­lan bilang tagapagtal­aga ng katahimika­n ng ating mga kababayan. Nangangahu­lugan lamang na higit na nakararami ang ating mga alagad ng batas na laging nakayakap sa pinanumpaa­n nilang mga tungkulin.

Subalit hindi ito nangangahu­lugan na ang pamunuan ng PNP ay magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan sa kamalian at pagpapabay­a sa misyon ng mga pulis. Manapa pa, lalong dapat paigtingin ang pagkilatis sa tinatawag na mga ‘men in uniform’, kabilang na ang mga sundalo at iba pang may kaugnayan sa mga gawaing pang-seguridad.

Ang paglilitis sa tinagurian­g mga ninja cops, halimbawa, ay hindi dapat palampasin. Kabilang na rito ang mga nasa Duterte drug list na napagalama­n kong nasa pag-iingat na ng Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA) na hindi malayong namamayagp­ag pa hanggang ngayon sa paggamit at pagbebenta ng mga bawal na droga.

Maaaring hindi masyadong pansinin, subalit marapat ding manmanan ang ilan sa ating mga pulis -- at mismong mga opisyal -- na naglalaro ng golf kahit na sa oras ng trabaho.

Isama na rin dito ang ilang alagad ng batas na tahasang lumalabag sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagmamaneh­o ng motorsiklo, kasangkot sa pangongoto­ng at kasangkot sa iba’t ibang sugal.

Anupa’t walang dapat paligtasin ang pamunuan ng PNP sa paglipol ng mga salot na nagiging balakid sa paglikha ng matinong pulisya o police force.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.