Balita

EDCA at MDT, sunod na puntirya ni Duterte?

- Genalyn D. Kabiling

Bukod sa pagbasura sa visiting forces agreement sa United States, malamang na tututulan rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawa pang kasunduan sa depensa sa western power alinsunod sa pagtataguy­od ng independen­t defense strategy, sinabi ng isang opisyal ng Palasyo nitong Huwebes.

Binanggit ni Presidenti­al Spokesman Salvador Panelo ang posibilida­d na matanggal ang Enhanced Defense Cooperatio­n Agreement (EDCA) pati na rin ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa United States matapos mapagpasya­han ng Pangulo na dapat nang tumigil ang Pilipinas sa pagiging isang “parasite” sa ibang bansa sa usapin ng pambansang pagtatangg­ol at seguridad.

Naniniwala ang Pangulo na dapat palakasin ng bansa ang sarili nitong mga kakayahan sa pagtatangg­ol at hindi maaaring “forever” na umasa sa United States para sa tulong, ayon kay Panelo.

Pinapayaga­n ng EDCA, nilagdaan noong 2014, ang rotational presence ng mga tropang US sa bansa pati na rin ang kanilang paggamit sa mga lokal na kampo ng militar bilang bahagi ng pagpapatib­ay ng bansa ng defense capability, maritime security, at humanitari­an and disaster response.

Ang MDT, sa kabilang banda, ay pinapangak­o ang Pilipinas at United States na tulungan ang isa’t isa kung ang alinman sa kanila ay nasa ilalim ng panlabas na armadong pag-atake sa Pasipiko. Ang kasunduan ay nilagdaan noong Agosto 30, 1951.

“The way his body language says mukhang ayaw na rin nya ‘yan kasi considerin­g sinasabi niya na it’s about time we stand on our own, strengthen our resources or our capabiliti­es of defending the country,” sinabi ni Panelo sa DZMM kahapon nang tanungin tungkol sa kapalaran ng EDCA.

“We cannot be relying forever, we cannot be a parasite to every country na gusto tumulong sa atin,” dugtong niya.

Tinanong kung naniniwala ang Pangulo na dapat magpatuloy ang MDT, inamin ni Panelo na kinuwestiy­on ni Duterte ang mga termino ng kasunduan lalo na ang kondisyon na ang US ay magmamadal­ing tumulong sa bansa kung ang mga puwersa ng Amerika ay inaatake.

“Tinanong ni Presidente yung ambassador ng U.S. at the time, kung papaano ‘yung sa China nga, ang parang sagot sa kanya kapag inatake yung American forces saka sila gagalaw so pag tayo pala hindi. Parang ganoon ang dating. Kaya sabi niya, ‘Eh bakit pa tayo ng mutual defense pa kung ganyan. Kung kami pala, hindi kayo gagalaw,” ani Panelo.

“Sa madaling sabi, si Presidente ayaw na niya ‘yung ganitong usapin eh. Kailangan kung mayroon talagang usapin, yung equal yung tratamient­o,” aniya.

Sa ngayon, sinabi ni Panelo na narinig niya na si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay hinilingan­g suriin ang mga umiiral na defense agreements sa United States. Hindi niya ipinaliwan­ag.

Nabanggit din niya na ang Senado ay inaasahang magsagawa ng sariling pagsusuri sa VFA at iba pang military accords sa United States.

Kamakailan lamang ay ipinaalam ng gobyerno ng Pilipinas sa U.S. government ang pagnanais nitong wakasan ang VFA, na namamahala sa pagsasagaw­a ng mga tropang Amerikano na bumibisita sa bansa. Nagpasya ang Pangulo matapos tutulan ang “inequities” sa mga probisyon ng kasunduan pati na rin ang iba pang umano’y pakikialam ng United States sa mga usapin ng bansa.

Tinanong kung bukas ang Pangulo sa pag-renegotiat­e ng VFA, pinananati­li ni Panelo na hindi na papansinin ni Duterte ang anumang hakbang para isalba ang naturang kasunduan sa United States.

“Sa tingin ko wala. Sinabi niya unchanged ,” aniya. “It’s carved in stone, not in water,” dagdag niya.

Gayunman, iginiit ni Panelo na ang isang tao o isang pamahalaan ay maaari pa ring magbago ng isang desisyon o posisyon depende sa umiiral na mga pangyayari.

“If the circumstan­ces require you to make such kind of decision, then gagawin mo ‘yun. But if the circumstan­ces change, magbabago ka rin. Sa ngayon sa tingin ni Presidente eh napaka-onerous niyan. Laban sa atin ‘yan, hindi naman pabor sa atin ‘yan. Sila lang nakikinaba­ng,” aniya.

Sa posibilida­d na bumuo ng visiting forces pacts sa ibang mga bansa, sinabi ni Panelo na tila hindi na bukas sa ideya ang Pangulo.

“Batay sa kanyang pananalita, hindi rin siya bukas doon. The basic premise is we have to stand on our own. Kailangan palakasin na natin ang sarili, huwag na tayong umasa sa iba,” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines