Balita

Malapit nang matapos ang Amihan; handa ba tayo sa tag-init?

-

NASA huling tatlo o apat na linggo na lamang tayo ng malamig na panahon, na kaugnay ng panahon ng Kapaskuhan sa Pilipinas. Hindi lubusang naging maganda ang panahong ito, lalo’t naranasan natin ang pagputok ng Bulkang Taal na sapilitang nagpalikas sa libu-libong mga tao sa kanilang mga tahanan sa loob ng ilang linggo. At kasama rin dito ang paglitaw ng epidemya kaugnay ng coronaviru­s sa China na lumaganap na sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.

Tila dumating na sa rurok ang pananalasa ng coronaviru­s at ngayo’y unti-unti nang humuhupa. Naitala ang isang pagkamatay sa Pilipinas, isang bisita mula China, habang umabot sa mahigit 400 katao ang napasailal­im sa obserbasyo­n. Hanggang nitong Huwebes, umabot na sa 1,357 ang bilang ng mga namatay, lahat ay mula sa China, maliban sa tig-isang naitala sa Pilipinas at Hong Kong. Ayon sa nangunguna­ng medical adviser ng China sa outbreak Zhong Nanshan posible itong matapos sa Abril.

Malaking pinsala dulot ng coronaviru­s sa Pilipinas, ang naitala sa industriya ng turismo, sa desisyon ng pamahalaan na ipagbawal muna ang pagpasok ng lahat ng mga turista na nanggaling sa China. Ikalawa ang mga turistang Chinese sa pinakamala­king bilang ng mga turista na bumibisita sa bansa, sunod sa South Korea.

Sa inaasahang pagtatapos ng coronaviru­s, may natitira pa tayong mga buwan upang makabawi at mapunan ang mga naging pagkawala ngayong Pebrero.

Sa pagpasok ng Marso dalawang linggo mula ngayon, magbibigay daan naman ang amihan, na umiihip ng malamig na hangin mula sa hilagangsi­langan, sa pagpasok ng mas mainit na hangin mula sa Pasipiko. Noong nakataang taon, Marso 6, nasa 100,000 kabahayan sa Metro Manila ang dumanas ng kawalan ng tubig. Sa mga sumunod na araw, napaulat ang pagbagsak ng lebel ng tubig sa La Mesa at Angat Dam, sa kritikal na lebel. Noong Marso 20, nagbanta si Pangulong Duterte na ibasura na ang kontrata ng pamahalaan sa dalawang water concession­aires dahil sa patuloy na paglala ng kakulangan sa tubig. Marso 22, sa ilalim ng panggigipi­t ng Pangulo, nagawan ng paraan ng Metro Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ng dalawang na maibalik ang supply ng tubig.

Maraming desisyon ang ginawa noong nakaraang taon upang mapigilan ang pag-ulit ng kakulangan sa tubig. Inaprubaha­n ng pamahalaan ang restorasyo­n ng Wawa Dam bilang dagdag na pagkukunan ng suplay. Inaprubaha­n din ang konstruksi­yon ng bagong Kaliwa Dam, ngunit mangangail­angan pa ito ng ilang taon. Inanunsiyo rin ng water concession­aires ang planong pagkuha ng tubig sa Laguna da Bay at pagtatayo ng mga bagong deep well.

Nitong nakaraang Miyerkules, iniulat ng PAGASA monitoring stations ang low minimum temperatur­es sa bansa, dahil sa malamig na “amihan”– 11 degrees Celsius na naitala sa Baguio, 16.1 degrees sa Malaybalay, Bukidnon, 17.2 degrees sa Tuguegarao, Cagayan, 18 degrees sa Tanay, Rizal, 18.5 degrees sa Itbayat, Batanes, at 19.5 degrees sa Quezon City.

Noong nakaraang taon, nagtapos ang panahon ng amihan noong Marso 22. Kung magiging katulad ito, malapit na nating maranasan ang init ng summer. Umaasa lamang tayo na naipatupad nga ang mga nasabing plano sa mga nakalipas na buwan para sa sapat na suplay ng tubig, upang hindi na natin muling maranasan ang kakulangan sa tubig na ikinagalit ng Pangulo noong nakaraang taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines