Iwaksi ang katiwalian
MGA Kapanalig, pumutok noong isang linggo ang balita tungkol sa bagong kaso ng katiwalian di-umano sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Nagbitiw sa kanyang tungkulin bilang undersecretary ng Department of Information and Communications Technology o DICT si Ginoong Eliseo Rio, Jr. dahil sa aniya’y mga iregularidad sa confidential funds ng kagawaran. Bagamat undersecretary for operations, marami raw ipinaaalam sa kaniyang mga proyekto at gawain ng DICT na sinasabing ginastusan ng confidential funds na nagkakahalaga ng halos 300 milyong piso.
Bilang tugon sa mga isiniwalat ni Ginoong Rio, naglabas ng memorandum ang Commission on Audit para kay DICT Secretary Gringo Honasan patungkol sa kwestyonableng pondo na hiningi ng Kagawaran noong 2019. Hinati sa tatlo ang paglalabas ng pondo, ngunit ang unang paglalabas lamang nai-liquidate o ini-report sa COA. Ang mga sumunod na pagpapalabas ng pondo ay walang tinatawag na notice of cash allocation, isang dokumentong hinihingi mula sa Department of Budget and Management o DBM bago maglabas ng pera ang pamahalaan.
Sa opisyal na pahayag ng DICT, itinanggi nito ang mga paratang ng katiwalian at iginiit na ang ang pondo ay ginamit para sa cybersecurity at national security. Tugon naman ni Ginoong Rio, nais ng DICT na maniwala ang taumbayan na makapagsasagawa sila ng isang confidential na operasyon sa loob lamang ng isang buwan na gumastos ng 300 milyong piso. Hinanapan din niya ng resulta ang sinasabing operasyon, katulad ng bilang ng hackers na napigilan at natunton gayundin ang mga uri ng malware o mapaminsalang programa sa kompyuter na napigilang lumaganap. Walang maisapublikong resulta ang kagarawan. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, tikom pa rin ang bibig ni DICT Sec. Honasan.
Minsan nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya palalampasin kahit maliit na bahid lamang ng katiwalian ang kanyang malaman. Gayunman, nakamit natin ang pinakamababa nating ranggo sa Corruption Perception Index noong 2019. Sa 180 na bansa, tayo ang ika-113. Ayon naman sa Transparency International, mas laganap ang katiwalian sa Pilipinas kumpara sa mga kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya. Hindi na nakagugulat ang resulta ng mga perception surveys na ito, lalo pa’t maraming kaso ng katiwalian ang hindi pa rin lubusang nareresolba. Ano na nga ba ang nangyari sa kaso ng katiwalian sa Department of Tourism na kinasangkutan ng dati nitong kalihim at ng kanyang mga kapatid? Nalinawan na ba tayo sa pagkakalusot ng iligal na droga sa bansa na naging posible dahil daw sa lagayan sa Bureau of Customs? At sa bagong isyu na ito ng katiwalian sa DICT, may mapananagot kaya?
Itinuturing ng panlipunang turo ng Simbahan ang katiwalian bilang pinakaseryosong pinsala sa isang demokratikong lipunan. Taliwas ito hindi lamang sa mga moral na prinsipyo ngunit maging sa katarungang panlipunan. Sinisira ng katiwalian ang tungkulin ng Estado kasabay ng pagsira nito sa ugnayan ng mga namamahala at pinamamahalaan.
Ibig sabihin, kung tiwali ang mga pinuno, mawawalan ng tiwala ang mga mamamayan sa mga institusyon at hindi na sila lalahok sa pulitika. Samakatuwid, hindi lamang ang kaban ng bayan ang nawawala sa katiwalian; pinahihina rin nito ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyon. Sa labis na kasamaan ng katiwalian, sinabi ni Pope Francis na pinaiigting nito ang kultura ng kamatayan, kamatayang bunga ng pagkauhaw sa kapangyarihan at kayamanan.
Mga Kapanalig, ang katiwalian ay nag-uugat sa pagkamakasarili at pagbubulag-bulagan sa kapakanan ng ating kapwa. Bilang mga mamamayan, iwaksi natin ang katiwaliang ugat ng kultura ng kamatayan. Isabuhay sana nating lahat, lalo na ng mga pinuno natin, ang paalalang ito ni San Pablo sa mga Taga-Filipos 2:4-5: “Pagmalasakitan ninyo angkapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.”