2 babae kulong sa pagwawala

Balita - - Balita - Orly L. Barcala

Patung-patong na asunto ang kinakahara­p ngayon ng isang babaeng inspector ng Land Transporta­tion Office (LTO), kasama ang kanyang kainumang bebot, matapos silang magwala nang sawayin ng kanilang kapitbahay na nabulabog sa kanilang pag-iingay, kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Kinilala ang mga suspek na sina Joan Tagayan, 22 taon gulang, LTO inspector, at Jennifer Sagonoy, 20, kapwa nakatira sa No. 27 Sacred Hearth Compound, San Diego Street, Canumay West ng nasabing lungsod.

Kinasuhan sila ng slight physical injuries, oral defamation dahil sa pananakit at pagmumura sa kapitbahay na si Analyn Antoy, 23.

Inasunto rin sila ng kanilang kaserang si Rosita Pilar, 64, dahil sa pagsira sa pintuan ng apartment ng huli, at Assault Upon an Agent of Person in Authority and Disobedien­ce and Resisting Arrest, nang manlaban at mambastos sa barangay tanod na si Marcelino De Torres.

Ayon sa ulat, bandang 1:00 ng madaling araw, nag-iinuman ang mga suspek sa compound sa Sacred Hearth Compound, San Diego Street, Barangay Canumay West.

Nilapitan sila ni Analyn at sinaway dahil malakas ang kanilang mga boses, gayung madaling araw na, ngunit nagalit ang dalawa at nagbasag ng bote ng alak at sinugod ang biktima. Umatras si Analyn at pumasok sa loob ng inuupahan bahay, subalit sinira ng dalawa ang pintuan ng apartment ng una.

Rumesponde ang tanod na si De Torres para dalhin sa barangay hall si Joan, pero pinagmumur­a siya ng huli.

Dumating na rin ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 at dinala sa presinto ang dalawang suspek at ikinulong.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.