Batas sa ‘genuine’ campus press, inihirit
Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education sa pamumuno ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City) nitong Lunes ang tatlong panukalang batas na naglalayong magtatag ng regular campuses ng state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.
Bumuo ang komite ng isang Technical Working Group (TWG) na mag-aaral at rerepaso sa mga panukala na magtataguyod at magsusulong sa campus journalism at campus freedom sa Pilipinas.
Nag-isyu rin ang komite ng resolusyon na magtataguyod sa institutional autonomy ng student governments/councils at student publications.
Kaugnay nito nanawagan si Partylist Rep. Sarah Elago (Kabataan) sa kanyang mga kasamahan na magpasa ng batas na tunay na magsusulong sa campus press freedom.
“The campus press has an invaluable contribution in the restoration and preservation of free speech and expression inside and outside our nation’s campuses. It is necessary in upholding academic freedom, especially institutional autonomy in higher education. I therefore urge my fellow legislators to pass this bill into law,” saad sa pahayag ni Elago.
Iginiit niya na panahon na para palitan ang Republic Act 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991 (CJA), binanggit na tadtad ito ng “deficiencies” at ginagamit bilang armas para atakehin ang campus press freedom.
Naghain si Elago ng House Bill 319 o ang “Campus Press Freedom Act” para palitan ang RA 7079, na ginagawang legal ang non-mandatory collection ng publication fee, na itinuturing na lifeblood ng karamihan ng student publications.