May trabaho ba?
MAGMA-MARSO na, kapanalig. Marami na namang graduates ang mag-martsa sa mga entablado. Marami na namang kabataang mangangarap at magpa-plano. May trabaho bang maghihintay sa ating mga magtatapos na estudyante ngayong 2020?
Ayon sa Graduate Employability Ranking 2020, pagdating sa graduate employability, ang Ateneo de Manila University ang nangunguna sa ating bansa. Sinundan ito ng UST, UP, at La Salle.
Pero kahit na marami sa ating mga estudyante ay nakakasabay na sa mga ibang institusyon sa ibang bansa, marami pa rin ang nahihirapan makahanap ng trabaho. Marami pa rin ang naghihintay ng napakatagal na panahon para makatiyempo ng puwesto. Marami pa ring nagsipagtapos ang magtiyatyiaga muna sa napakaliit, minsan hindi pa makatao, na suweldo.
Ayon nga sa JobsFit 2022 Labor Market Information (LMI) Report ng Department of Labor and Employment (DOLE), halos isang milyon o mga 43.9% ng mga walang trabaho sa buong bayan ay nakatapos ng high school, at nasa 825,000 naman ang bilang ng mga nakapagkolehiyo o nakatapos ang walang trabaho. Mas maliit din ang pagkakataon ng nakatapos ng kolehiyo na makakuha ng trabaho kaysa sa taong may mas mababang naabot na edukasyon. Yung nakakakuha agad ng trabaho, malamang underemployed naman o maliit ang suweldo.
Kaya nga’t maraming mag-aaral at nagsipagtapos ng pag-aaral ang nanlulumo. Sa kabila ng paghaba ng kanilang pananatili sa paaralan, wala pa ring katiyakan ang kanilang hinaharap. Tanging ang mga nakatapos na lang ba sa premyadong paaralan ang may karapatang makakuha ng disenteng trabaho?
Hindi makatarungan, kapanalig, ang ganitong sitwasyon. Ang karamihan sa ating mga pamilya ay hindi kayang abutin, maski sa panaginip, ang matrikula sa mga nangungunang paaralan sa ating bayan. Ano ba ang maaaring magawa ng ating lipunan upang magkaroon tayo lahat ng patas na access sa edukasyon at iba pang resources na magpapa-sulong ng ating pagkatao at propesyonal na kakayahan?
Isang paraan, kapanalig, ay ang masusing pagsuri sa labor market sa ating bayan at ang mga kursong ating sinusulong sa mga paaralan. Hindi tayo lahat ay maaaring maging doctor, abogado, o engineer. At kahit na maging ganyan man tayo. Hindi tiyak na magiging sapat ang ating suweldo. Kailangan nating tingnan kung anong trabaho ang kailangan ng ating bayan at kung anong uri naman ng kurso ang nilalatag ng ating mga paaralan. Makatugma ba? O nagpaparami lamang tayo ng mga graduates na wala naman palang puwang sa merkado?
Buksan natin ang ating mata, kapanalig. Hindi dapat mapako ang ating atensyon sa mga tradisyunal na trabaho na hindi naman tunay na nagpasulong sa bansa. Marami sa atin, nagbayad ng mahal na matrikula para sa kursong iilan tao lamang pala ang kailangan kada branch, halimbawa, gaya ng chef, o kapitan ng barko. Ang employability, kapanalig, ay hindi lamang dahil sa kakayahan ng indibiduwal. Ang availability ng trabaho o puwesto ay malaking dahilan kung bakit hindi nakakakuha ng trabaho ang tao. Ang Rerum Novarum, bahagi ng Catholic Social Teachings ay nag-uudyok sa atin na pagnilayan ang ating bahagi sa paglala ng sitwasyong ito, na sumisira sa ating panlipunang katarungan. Paalala nito, nasa ating mga kamay lalo ng ating mga pinuno, ang pagsulong at kaunlaran ng mga maralitang manggagawa.