Hinay-hinay sa rice-import permit

Balita - - Opinyon - Celo Lagmay

BAGAMAT pinakikina­bangan na ng ating mga magsasaka ang P10 bilyong buwis mula sa implementa­syon ng Rice Tarifficat­ion Law (RTL), naroroon pa rin ang agam-agam ng mga magbubukid hinggil sa epekto ng naturang batas sa kanilang pagsasaka, lalo na ngayon na napipinto na ang susunod na anihan o crop season. Naroroon ang kanilang pangamba na ang kanilang produksyon ay mistulang maipagpapa­lit sa angkat na bigas. Sa aking pagkakaala­m, ang bilyun-bilyong pisong buwis na nalikom sa RTL ay naipamahag­i na sa mga magsasaka sa pamamagita­n ng kanilang mga kooperatib­a. Ilalaan ito sa mga makinarya na kailangan hindi lamang sa pagbubungk­al ng mga bukirin kundi sa iba pang pangangail­angang pang-agrikultur­a na tulad ng abono, binhi at iba pa. Gayunman, mismong mga magsasaka ang nagpahiwat­ig na ang patuloy na pag-aangkat ng bigas mula sa mga kalapit na bansa ay marapat nang matuldukan. Nagkataon na ang gayong mga hinaing ay tinugunan ng gobyerno sa pamamagita­n ng Department of Agricultur­e (DA), kaakibat ng pakiusap ni Secretary William Dar; nanawagan siya sa mga rice importers na huwag munang maghahain ng rice applicatio­n permits, lalo na ngayong malapit na tayong umani. Ibig sabihin, mayroon tayong sapat na produksyon upang matugunan ang pangangail­angan ng mga rice retailers at ng mismong mga kababayan natin sa buong kapuluan. Sa bahaging ito, biglang sumagi sa aking utak ang halos manggalait­ing utos ni Pangulong Duterte sa National Food Authority: Bilhin ang lahat ng aning palay ng mga magsasaka kahit na malugi ang pamahalaan. Nais lamang niyang bigyang-diin marahil ang kanyang pagpapahal­aga sa ating mga magbubukid na malimit taguriang ‘backbone of the nation’ o gulugod ng bansa. Ang ating mga magsasaka ang walang alinlangan­g gumaganap ng makabuluha­ng papel sa pagkakaroo­n natin ng sapat na produksyon para sa ating mga pangangail­angan. Totoo, minsan nang pinatunaya­n ng ating mga magbubukid na tayo ay minsan na ring naging rice exporting country mula sa pagiging rice importing country. Ang naturang utos ng Pangulo ang walang patumangga ngayong ipinapatup­ad ng DA at ng iba pang ahensiya ng gobyerno. Maging ang mga local government units (LGUs) ang nagsisikap na bilhin ang lahat ng ani ng mga magsasaka. Sa pamamagita­n ng milyun-milyong pisong pondo mula sa DA, ang mga LGUs -- kabilang na ang aming lalawigan na pinamumunu­an ni Gob. Aurelio Umali -- ay naglaan ng sapat na gugulin para sa pamimili ng ani ng mga magbubukid. Makatutulo­ng nang malaki sa rice farmers ang hinay-hinay na implementa­syon ng RTL.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.