Balita

NAPC, NCIP, at PCUP nasa ilalim na ng DSWD

- Charissa M. Luci-Atienza

Inilipat na ang Presidenti­al Commission on Urban Poor (PCUP), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Developmen­t (DSWD).

Isang joint memorandum circular na nagpapatak­bo sa paglipat ng tatlong mga komisyon, na dating nasa ilalim ng Office of the President, ang nilagdaan nitong Huwebes, Peb. 27 sa DSWD Central Office sa Quezon City.

Pinangunah­an ni DSWD Secretary Rolando Bautista ang paglalagda sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, Series of 2020, na inilarawan niya na “significan­t milestone” sa hangarin ng layunin ng DSWD na mapagbuti ang kalidad ng buhay ng lahat ng mga Pilipino.

Ang JMC No. 1 ay nagsisilbi­ng gabay para sa implementa­syon ng Executive Order No. 67, Series of 2018. Nilalayon ng EO No. 67 na gawing katwiran ang Office of the President sa pamamagita­n ng pagsasama-sama ng mga pangunahin­g mandato at pagpapalak­as sa demokratik­o at institusyo­nal na balangkas ng Executive Department.

Sinabi ni Bautista na sa paglagda ng JMC, inaasahan na ang mga polisiya at programa ng PCUP, NCIP, at NAPC ay maitugma sa DSWD para sa kapakinaba­ngan ng lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mahihirap.

“It is equally important task that we also strengthen and harmonize the government policies and programs that give our fellow Filipinos a chance towards a better life,” aniya sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng JMC.

Kasama ni Bautista sa JMC signing sina PCUP chairperso­n Alvin Feliciano, NCIP chairperso­n Allen Capuyan, at NAPC Secretary Noel Felongco.

Sa ilalim ng EO No. 67, ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat ang NAPC, NCIP, at PCUP sa DSWD.

Ang EO ay nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Oktubre 31, 2018.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines