Balita

Ginang, timbog sa estafa

- Jhon Aldrin Casinas

Nadakip kamakailan ng mga awtoridad ang isang 48-anyos na babae na sangkot umano sa estafa at paglabag sa Bouncing Checks Law sa Pasig City, na pinaniniwa­laan sumailalim sa cosmetic surgery upang hindi makilala.

Sa pagbabahag­i ni Police Senior Master Sergeant Rommel Fajutag ng Eastern Police District Special Operations Unit (EPDDSOU), naaresto umano ang suspek na si Erma Towle habang lulan ng isang sasakyan sa gate ng isang subdivisio­n sa Barangay Kapitolyo, Pasig, kamakailan.

Ayon kay Fajutag, gumagamit din umano ng pangalang Erma Digman at Sarah Mina Jane Saavedra ang suspek, na nakapaglim­as ng P120 milyon sa mga biktima nito.

Isang grupo mula EPD-DSOU na pinamumunu­an ni Major Darwin Guerrero ang nagpatupad ng arrest warrant kay Towle na inilabas ni Judge Christian Emmanuel Pimentel ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 69 para sa paglabag sa Batas Pambansa No. 22 o Bouncing Checks Law.

Sinasabing sumailalim umano sa cosmetic surgery ang suspek upang baguhin ang mukha at makaiwas sa pagaresto.

“Nang malaman niya na may warrant na siya, nagtago na at gumamit ng ibat–ibang pangalan at nagparetok­e ng mukha kasi dun sa mga larawan nya nung una hanggang panahon na nahuli siya malaki ang pinagbago,” ayon sa pulisya.

Modus umano ni Towle na hikayating mag-invest ang kanyang mga biktima sa mga proyekto ng pamahalaan, na hindi naman totoo.

Nag-ugat ang pagkakaare­sto kay Towle matapos maghain ng kaso ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) na inaakusaha­n ang suspek na nanggatsiy­o umano sa kanya ng mahigit P13 milyon.

Nahikayat umano ang biktima na mag-invest matapos sabihin ni Towle na may koneksiyon ito sa ilang opisyal ng gobyerno. Nagpakita pa umano ang suspek ng litrato ng kanyang mga kasama kung saan kasama sa larawan si President Duterte sa Malacañang.

Bukod naman sa suspek may iba pa umanong nabiktima ang suspek.

Ayon kay Fajutag may anim na arrest warrant umano laban kay Towle sa magkakaiba­ng trial courts sa Quezon City, Iligan City, Pasig City, Dasmarinas City, at Paranaque City para sa kaso ng Estafa at Batas Pambansa No. 22 o Bouncing Checks Law.

Sa pagbabahag­i ni Pasig Police chief Col. Moises Villaceran Jr., nagpoprose­so umano ng kanyang piyansa ang suspek ng pigilan itong makalabas dahil sa nadiskubre­ng mga warrant laban dito.

Samantala, hinikayat naman ni Villaceran ang maaaring iba pang biktima na makipag-ugnayan sa Pasig Police para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines