Balita

PNP official, inambush

- Ni JEL SANTOS

Isang pulis na nakatalaga sa Office of the Philippine National Police (PNP) chief ang binaril hanggang mapatay ng dalawang gunman na nakasakay sa motorsiklo habang siya ay sakay ng kanyang sasakyan sa Makati City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Major Gideon Ines Jr., Makati Police ang biktima na si Police Major Jeffrey Dalson.

Inatake si Dalson ng mga armadong lalaki na sakay ng motorsiklo habang siya ay nakaparada sa harap ng isang talyer sa J.P. Rizal Street sa Barangay East Rembo, Makati bandang 7:00 ng umaga, saad sa ulat ng pulisya.

Batay sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), bumaba sa motorsiklo ang isa sa mga salarin na nakasuot ng helmet at itim na maskara at nagtungo sa gilid ni Dalson na noo’y kausap ang isang mekaniko.

Kasunod nito ay binaril siya ng gunman ng maraming beses sa katawan. Mas lumapit pa ang suspek sa pulis para mabaril ito nang malapitan, at tiyaking patay na siya.

Nagulat ang mekaniko at nagtago sa kanyang talyer.

Bago umalis, binuksan pa ng gunman ang kanang pintuan ng sasakyan upang suriin kung patay na si Dalson.

Lumapit ang kasabwat na sakay ng motorsiklo, na umaktong lookout, sa kotse at umangkas dito ang gunman. Kaagad silang humarurot, dala ang baril na ginamit sa krimen, patungo sa Buting St.

Sinabi ng mekaniko sa mga imbestigad­or na nakarinig siya ng pitong putok ng baril sa insidente.

Ayon kay Ines, naniniwala ang pamilya ng napatay na pulis na may kinalaman sa kanyang trabaho ang motibo sa pagpatay.

“The family said that he has many enemies, because of his job. We learned that he served as anti-illegal drug cop in Quezon City,” sinabi ng chief investigat­or.

Bago siya inilipat sa Office of the PNP chief, si Dalson ay nakatalaga sa Quezon City Police Special Weapons and Tactics (SWAT) Unit. Nagsilbi rin siya Mindanao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines