Sa telebisyon at radyo na lang magsimba
Hinikayat kahapon ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na maging mahinahon, sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, at sa telebisyon at radyo na lamang muna makibahagi sa mga banal na misa sa halip na magtungo sa mga simbahan, kung sila ay may karamdaman.
Ayon kay Pabillo, hindi dapat na mag-panic ang publiko at sa halip ay patuloy na manalangin, kasabay ng pag-iingat upang hindi mahawaan ng COVID-19.
“Although nandiyan ‘yung threat pero sana ay iwasan din nating mag-panic at matakot. At the same time, may mga kailangan na safety precaution na kailangang gawin. Pinakamahalaga ang ating mga panalangin,” paalala ni Pabillo.
Naglabas na rin naman si Pabillo ng pastoral letter bilang karagdagang pagiingat ng mananampalataya na kumalat pa ang nakakahawang sakit.
Sa pastoral letter na inilabas ni Pabillo, na may titulong “Pastoral Letter on COVID-19,” hinikayat nito ang mga mananampalataya, lalo na ang mga nakakaranas ng sintomas ng sakit, na huwag na munang lumabas sa kanilang bahay at sa halip ay dumalo na lamang sa banal na misa sa pamamagitan ng panunood at pakikinig sa Radio Veritas, TV Maria at Facebook page ng Quiapo Church.
Hinihikayat rin ng obispo ang mga parokya na pangsamantalang itigil ang mga aktibidad tulad ng pagsawsaw ng kamay sa mga Holy Water Front, paghahawak-kamay sa tuwing inaawit ang ‘Ama Namin,’ at maging ang paghalik at pagpahid sa mga imahen at pagmamano o paghawak sa mga pari.
Nanawagan rin ang Obispo sa mga pari at layko na maghugas ng kamay bago ang misa lalo na ang mga magbibigay ng komunyon.
Hinimok pa niya na magkaroon ng Disaster Resiliency Fund ang mga parokya para mapunan ang aktibidad ng mga simbahan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.