Gamutan sa COVID-19 patient, libre dapat
Hindi na dapat pang i-apply ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang case rates sa mga pasyenteng apektado ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) at sa halip ay i-”fully reimburse”.
Ito ang panawagan ng House Committee on Health nitong Miyerkules, matapos aprubahan ng House panel, sa pamumuno ni Quezon 4th district Rep. Angelina “Helen” Tan ang mosyon ni Anakalusugan partylist Rep.Mike Defensor sa naging pagdinig ng komite para sa hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
“I think, Madam Chair through this Committee, through your leadership, in this emergency situation we allow the maximum utilization of Philhealth because from thenational government, we were able to allocate P60 billion, that is given by the national government, aside from our contribution. This should have no limit,” pahayag ni Defensor, vice chairperson of the House Committee on Health.
Sa ilalim ng PhilHealth Memorandum Circular No. 2020-0004, maaaring tumanggap ang mga pasyenteng under investigation (PUIs) sa COVID-19 at mga kumpirmadong kaso, ng isolation package na may case rate na P14,000.
“If it goes severe, lalo na sa mahihirap na hindi nila kayang bayaran ang gamutan, it should be an open ended case scenario. Huwag na po mag-limit ang Philhealth talagang itodo po natin,” giit ni Defensor.
Ayon kay Doctor Marvin Galvez ng Philhealth itinaas na nila ang case rates para sa mga PUIs at mga maa-admit sa isolation room sa P14,000.
“We do have case rates for patients. We are reviewing the rate for those patients,” saad ni Galvez.
Sumang-ayon naman si Tan kay Defensor na dapat nang tanggalin ng PhilHealth case rates nito.”We are in a public health emergency. Kelangan ba natin mag case rates this time?” aniya.
Nanawagan din si Defensor sa kaniyang mga kasamahan na ibigay ang mas malaking supplemental budget sa DoH bilang tugon laban sa COVID-19.
Kasabay naman nito nanawagan ang mga mambabatas sa DoH na maglabas ng implementing rules and regulations of law na nagsasaad ng mga polisiya at procedure sa pagtutok at pagresponde sa sakit, epidemics at health events ng publiko.
Binanggit din nina Quezon Rep. Helen Tan at Bayan Muna partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na kailangan ang agarang paglalabas ng IRR ng Republic Act No. 11332 upang mapalakas ang response system ng bansa laban sa COVID-19.
Sinabi ni Duque na tapos na ang IRR at nire-review na ng kanilang Legal Department upang masiguro na “there are no inconsistencies with the provisions of law.” Sa ilalim ng batas isinasaad na “Secretary of Health shall have the authority to declare epidemics of national and/or international concerns except when the same threatens national security.”