PH envoy sa Brazil, iimbestigahan sa pangmamaltrato
Ipinag-utos ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin Jr. ang recall o pagpapauwi kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro upang magpaliwanag sa lumabas na video footage ng pagmamaltrato niya sa kanyang household service sa loob ng diplomatic residence sa Brazil.
Nakauwi na sa Pilipinas ang 51anyos na Pilipina na nagsilbing household service staff ni Mauro. Umalis ito ng Brasilia noong Oktubre 21.
Ang mga insidente ng pagmamaltrato sa Pinay household service staff ay nakunan ng security camera at naidokumento ng mga empleyado doon.
Kabilang umano sa mga dinanas ng Pinay ay ang pananampal, pamimingot sa tainga, at paghampas ng payong sa magkakahiwalay na insidente.
Naging ambassador si Mauro sa Brazil noong 2018, at may hurisdiksiyon sa Colombia, Guyana, Suriname at Venezuela.